Hiniling ni Pangulong Rodrigo Duterte sa bagong Bangsamoro Transition Commission (BTC) na alisin ang mga balakid hanggang sa mahanap ng Mindanao ang daan patungo sa kapayapaan.
“I am urging the BTC to navigate the hindrances and obstructions at hanapin ninyo ang daan hanggang patungo ng kapayaan. Mahirap ‘yan,” sabi ng President sa pinalawak na 21-member BTC sa paglulunsad dito noong Biyernes ng gabi.
Mahanap man ang solusyon na katanggap-tanggap para sa lahat, mahaba ang daan patungo sa kapayapaan, anang Pangulo, at tiniyak ang kanyang supporta sa komisyon.
“Maybe in front of the Filipino nation, I will ask every Filipino to vote for it because it will make us a great nation, so I leave it up to you,” aniya.
Sinaksihan ng Pangulo ang paglulunsad sa BTC, na magbabalangkas ng bagong batas sa Bangsamoro para sa implementasyon ng mga kasunduang pangkapayapaan sa mga grupong Muslim sa bansa.
Dumalo sa okasyon ana mahigit isanlibong katao na kumakatawan sa Senate at House of Representatives committees on peace, Moro Islamic Liberation Front (MILF), Moro National Liberation Front (MNLF), mga ahensiya ng pamahalaan, at stakeholders. Kabilang sa kanila sina Presidential Peace Adviser Jesus Dureza; Irene Santiago, chair ng Government Panel Implementing the Bangsamoro Accords; MILF chair Al Haj Murad Ebrahim; at MILF vice chairman for political affairs Ghadzali Jaafar.
Ang BTC ay pormal na nilikha sa bisa ng Executive Order na nilagdaan ng Pangulo. Ang mga miyembro nito ay sina Atty. Jose Lorena, Atty. Maisara Dandamun-Latiph, Samira Gutoc-Tomawis, Datu Mussolini Sinsuat Lidasan, Dr. Susana Salvador-Anayatin, Atty. Hussin Amin, Romeo Saliga, Hatimil Hassan, Atty. Firdausi Ismail Abbas, Atty. Omar Yasser Sema, Ghadzali Jaafar, Mohagher Iqbal, Abdulraof Abdul Macacua, Ibrahim Ali, Haron Abas, Atty. Raissa Jajurie, Said Shiek, Hussein Muñoz, Melanio Ulama, Gafur Kanain, at Ammal Solaiman, JD. (PNA)