Nasa 65 pamilya ang nawalan ng tirahan matapos sumiklab ang apoy na lumamon sa 30 bahay sa Makati City, kahapon ng madaling araw.
Sa ulat ni Makati City Fire Department Fire Marshal Supt. Roy Aguto, dakong 12:28 ng madaling araw nagsimula ang apoy sa bahay ng isang Imelda Manansala sa Angono Street, Rizal Village, malapit sa Makati City hall, Barangay Poblacion.
At dahil pawang gawa sa light materials, mabilis na kumalat ang apoy sa mga katabing bahay.
Ayon kay Gerald de Castro, residente sa lugar, nakarinig siya ng malakas na pagsabog bago sumiklab ang apoy sa tapat ng bahay ni Imelda na pinamumugaran umano ng mga adik.
Nakita pa umano ni De Castro na nagpulasan palabas ng bahay ang ilang lalaki matapos ang pagsabog.
Umabot sa ikatlong alarma ang sunog bago tuluyang naapula ng mga bumbero dakong 1:35 ng madaling araw.
Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente habang inaalam pa ng awtoridad ang sanhi ng sunog at ang kabuuang halaga ng mga naabong ari-arian. (BELLA GAMOTEA)