Ligtas na sa kamatayan ang isang bagitong pulis makaraang barilin ng mga “Akyat-Bahay” gang member sa Quezon City, kahapon ng madaling araw.

Sa report ni QCPD Director Police chief Supt. Guilor Lorenzo T. Eleazar, kinilala ang sugatang pulis na si PO1 Alvin Afroilan ng Laloma Police Station 1.

Habang nakatakas ang dalawang suspek matapos salubungin ng bala ang mga rumespondeng operatiba ng Laloma Police.

Base sa inisyal na ulat, tumawag sa himpilan ang ilang concerned citizen at ipinagbigay-alam na nakapasok sa construction supply store sa EDSA ang mga suspek.

National

Grupo ng simbahan, suportado panawagang imbestigahan ng ICC ang War on Drugs: 'Let justice be served'

Dahil dito, pinuntahan ng mga nagpapatrulyang tauhan ng Laloma Police ang lugar at namataan ang mga suspek sa tapat ng Good Granite Construction Supply sa 1156 Edsa, Balintawak, Quezon City, na may bitbit na bolt cutter at malaking black back pack.

Unang sumugod si PO1 Afroilan subalit nakatunog ang mga suspek at tumalilis sa may Oliveros Drive, Edsa habang sakay sa Magenta Yamaha Mio scooter (NE12903).

Hinabol ng mga pulis ang mga suspek at pagsapit sa Eulogia Street, isa sa mga ito ang nagpaputok ng baril at tinamaan sa balikat si PO1 Afroilan at tuluyang nakatakas ang mga kawatan.

Nakuha sa pinangyarihan ang black back pack na may laman na dalawang small grinders, isang malaking grinder, isang electric drill, at ang inabandonang scooter na inaalam na kung sino ang may-ari. (Jun Fabon)