Crawdford, nakasingit; kampeon ng 8th Le Tour de Filipinas.
LUCENA CITY – Mula sa kawalan, sumirit at humirit si Jai Crawdford.
Nakipagtagisan ng lakas at diskarte sa kahabaan ng 207.35 kilometro final stage ang pambato ng Kinan Cycling Team Japan para agawin ang kinang mula sa mga liyamadong karibal at angkinin ang kampeonato sa 8th Le Tour de Filipinas kahapon dito.
Mula sa ika-siyam na puwesto sa pagtatapos ng Stage 3 sa Naga City nitong Lunes, umigpaw si Crawdford sa pedestal ng tagumpay sa tyempong limang oras at 13 segundo. Kasabay niyang dumating sa finish line si Park sanghong ng LX Cycling Team ng South Korea na idineklarang stage winner.
Sa kabila nito, sapat ang nakopong oras ni Crawdford para agawin ang panalo kay three-stage leader Daniel Whitehouse.
Nakaagwat ng halos dalawang minuto si Crawford kay Whitehouse ng Teregganu Cycling Team na nakatawid na ika-14 kasunod ni Pinoy rider Mark Jon Lexer Galedo (No.12) para mabura ang 37 segundong bentahe ni Whitehouse.
Sa pagtatapos ng karera na inorganisa ng UBE Media Inc. sa paghahatid ng Air21 at pagtataguyod ng Petron, UPS at Philippine Air Lines bilang official airline carrier, pumangalawa na lamang si Whitehouse na naiwan pa ng may 28 segundo ni Crawford.
Pumangatlo si Fernando Grualba ng Kuwait Cartucho ES Team na naiwan ng 51 segundo, pang-apat si Benjamin Hill ng Attaque Gusto na may layong 52 segundo sa nanalo at panglima si Ryu Suzuki ng Bridgestone Anchor Team na may layong 55 segundo.
Tumapos na No.6 sa individual overall si Pinoy rider Edgar Nohales Nieto ng 7-Eleven-Philippines na naiwan ng isang minuto at 2 segundo ng nanalong si Crawford.
Naging konsolasyon para kay Galedo na nagtapos na pang-14 sa general classification sa layong 14 na minuto at 15 segundo sa nanalo ang pagiging Best Filipino rider ng karera.
“Mabigat talaga ang laban, pero napatunayan natin na kaya nating makipagsabayan sa kanila,” pahayag ni Galedo na siguradong makakakuha ng world ranking points dahil sanctioned ng UCI (International Cycling Federation) ang karera.
Nakumpleto naman ng Kinan ang pagwawalis sa individual at team classification nang mapanatili nila ang pamumuno sa general team classification hanggang sa katapusan ng 2.2 UCI classified race. (Marivic Awitan)