Ipinanukala ni House Speaker Pantaleon “Bebot” Alvarez na i-regulate ang paggamit ng social media at utusan ang mga kumpanya ng social media na beripikahin ang mga aplikanteng user bago payagang makapagbukas ng account.

Sinabi ni Alvarez na panahon na para supilin ang pang-aabuso at maling paggamit sa social media at patawan ng parusa ang online identity theft.

“In many occasions, users one fake accounts by presenting themselves to the online world as persons whom they are not. This is a classic case of identity theft that is detrimental to society,” aniya sa paghahain niya ng House Bill 5021.

Nakasaad sa HB 5021 o ang panukalang “Social Media Regulation Act of 2017” na ang mga aplikante para sa social media account ay isasailalim ng mga social media network sa identity verification upang matiyak na tunay ang isang account.

National

Pag-imbestiga ng Senado sa drug war ni ex-Pres. Duterte, magandang ideya – Pimentel

Tatanggihan ang mga application na nagpapanggap bilang ibang tao at ang user account ng tunay na taong ito ay idedeklarang nakompromiso at isasara.

“This proposed bill seeks to afford a remedial measures on the foregoing matters and will regulate these social media by mandating social media companies (Facebook, Twitter, Instagram etc.) to reasonably verify the identity of user applicants before they are allowed to open an account. Penalties are also provided for failure to comply with this verification requirement,” ani Alvarez.

Ang mga lalabag sa panukalang batas ay parurusahan ng pagkakakulong na hindi bababa sa anim na taon at isang araw hanggang sa 12 taon at multang mula P30,000 hanggang P50,000. Papanagutin ang sinumang tao na nagmamay-ari o kumokontrol sa artificial intelligence program o parehong programa na lumilikha ng social media user accounts na nagresulta sa iresponsableng paggamit ng social media.

Sa ilalim ng panukalang batas, ang bawat tao na makikipagkomunikasyon, makikipagpalitan, maghahatid ng impormasyon, magba-blog o magbahagi ng impormasyon sa pamamagitan ng social media ay kailangang maging responsable at patas sa paggamit ng kanyang karapatan sa malayang pamamahayag at opinyon. Gayunman, pinagbabawalan siyang magbukas ng account para sa kanyang online presence gamit ang pagkakakilanlan ng ibang tao o ipakilala ang kanyang sarili sa online world bilang ibang tao.

Naghain din si Alvarez ng House Resolution 777 na nananawagan ng imbestigasyon sa kabiguan ng iba’t ibang social media network na magkaloob ng epektibong paraan o sistema upang matukoy ang pagiging tunay ng mga account na nakarehistro sa kanila, na nauuwi sa paglaganap ng mga peke, malisyoso at palsipikadong social media account, na nagreresulta sa talamak na online identity theft. (CHARISSA M. LUCI)