Inihayag ni Sen. Kiko Pangilinan ang agarang pagpasa ng kaniyang pinanukalang anti-scalping kasunod ng mga malawakang ulat ng matataas na presyo ng reselling ng ticket para sa concert ng K-Pop sensation na BTS.
Matatandaang naunang nanawagan si Pangilinan na imbestigahan ang paglaganap ng scalpers noong 2024.
MAKI-BALITA: Kiko Pangilinan, nanawagang imbestigahan ang ticket scalping sa bansa
Sa pahayag na inilabas ng Senador nitong Lunes, Hunyo 15, ibinahagi niyang lubos ang kaniyang pagkabahala sa mga reklamo ng ticket scalping na nakarating sa kaniyang tanggapan at aniya, itinuturing niyang “unfair” ito sa Pinoy fans na ilang taong nang nag-aabang sa concert.
“Batay sa mga nakarating na reports sa ating opisina, halos isang dekada na naghihintay ang BTS fans na magkaroon muli ng concert dito sa atin. Hindi tama na pagsamantalahan ang pananabik at paghihintay na ito ng mga scalpers,” ani Pangilinan.
Dahil dito, nilayon ng panukalang Senate Bill No. 1989 o ang “Anti-Ticket Scalping Act,” na putulin ang mapang-abusong reselling ng concert tickets sa bansa na doble pa sa aktwal na presyo nito.
Ang mga ipinanukalang kaparusahan ni Pangilinan ay ang mga sumusunod:
First Offense: Multang ₱100,000 o pagkakakulong ng anim na buwan.
Second Offense: Multang ₱250,000 o pagkakakulong ng isang taon.
Third Offense: Multang ₱500,000 o pagkakakulong ng tatlong taon.
Saad pa ni Pangilinan, layon din ng panukalang ito na mabigyan ng mas malaking pananagutan ang ticketing platforms at event organizers sa pamamagitan ng mas episyenteng monitoring at enforcement mechanisms.
“Nagpapakahirap ang mga tunay na fans na ipunin ang pambili ng mga tickets na ito. Nagpapakahirap sila na mag-queue sa mga ticketing platforms para makabili. Lumalaban sila nang tama at patas, pero ninanakaw ng mga scalper ang oportunidad nilang makita ang mga iniidolo nila,” pakikisimpatya ng Senador sa ARMYs o fans ng BTS.
Sa kaugnay na balita, napag-alaman ng tanggapan ni Pangilinan na pumapalo sa ₱30,000 hanggang ₱90,000 ang reselling price para sa gaganaping BTS World Tour Arirang Concert sa Marso 2027 sa Pilipinas.