UMAAPELA ang solid fans nina Daniel Padilla at Kathryn Bernardo dahil mas pinapaboran daw ng ABS-CBN ang promo ng projects nina Enrique Gil at Liza Soberano.
Unang nag-post ng isang loyalistang supporter nina DJ at Kath ng, “Kailan nga ba naging priority ng ABS-CBN ang KathNiel? Sa promotion pa lang ng movie, kitang-kita na kung gaano n’yo ginigipit sa oras ang KathNiel.
“Binibigyan n’yo lang sila ng isang linggo for promotion? Naalala n’yo ba nu’ng election? Sino nagpalala ng issue?
Di ba ang ABS-CBN? Instead na ipagtanggol, mas binigyan n’yo pa ng dahilan para pag-usapan at sabihan ng masama ang KathNiel.
“Sa teleserye? Masyado n’yong minamadali ang teleserye ng KathNiel like Pangako Sa ‘Yo. Minadali n’yo ‘yung ending para maipalabas kaagad ‘yung Dolce Amore. Ginamit n’yo pa nga ang full trailer ng BALU (Barcelona: A Love Untold) para dumami ‘yung manood ng ending ng Dolce Amore, paano natalbugan ng Descendants of the Sun.
“’Tapos ngayon, ipinapamukha n’yo sa amin na ‘yung bias n’yo ay kumita nang malaki compare sa last movie ng KathNiel. Mahiya kayo sa director, kay Kath, kay DJ at sa bumuo ng Barcelona: A Love Untold.”
Ito naman ang reaksiyon ni @praisekathniel, “This is true! Kung puwede lang tayo gumawa ng sariling station ‘tapos KathNiel lang nandu’n, eh!”
Ang binabanggit na pelikulang mas malaki ang kinita o kinikita ay ang My Ex and Whys na umakyat na sa more than 300 theaters ang occupied. At ang sinasabing direktor ay si Olive Lamasan.
Naintindihan namin ang hinaing ng KathNiels dahil sa laki rin naman ng hirap at pagod nila para supportahan ang mga idolo nila.
Naging saksi rin kami kung paano tinitipid lalo na ng mga estudyante ang baon nila para lang suportahan ang bawat pelikula ng KathNiel. Kumukontak at nakakausap din namin ang supporters nila na nasa iba’t ibang panig ng daigdig kaya nalalaman namin na nag-uusap-usap tungkol sa mga plano nila para sa kaliwa’t kanang block screenings na hindi siyempre biro ang ginagastos nila.
Ang hinahangad siyempreng kapalit ng mga hirap, pagod, at butas na bulsa ng supporters ay makitang masaya at nasa pedestal sina Daniel at Kathryn, at higit sa lahat ay blockbuster ang lahat ng pelikula nila at number one sa ratings game ang mga teleserye.
Pero sana ay tanggapin din ng KathNiels na ‘negosyo’ rin ang pinag-uusapan dito. Siyempre, malaki rin ang puhunan ng Dos sa LizQuen projects na katulad din ng ipinupuhunan kina Daniel at Kathryn kaya kailangan ding i-promote nang husto ang bawat project, LizQuen man ‘yan o KathNiel.
Kumikita at talagang malakas ang My Ex and Whys kaya lalo pa itong ipinu-push ng ABS-CBN at Star Cinema at the same time ay pasalamatan din ang lahat ng nanonood sa pelikula.
Ganito rin naman ang ginawa ng Kapamilya Network sa huling pelikula ng KathNiel, di ba? Todo-todo rin ang suporta at promotion.
Sa sinasabing ‘kung puwede lang tayong gumawa ng sariling station ‘tapos KathNiel lang ang nandu’n’, sa tingin ba ng loyalistang supporters nina DJ at Kath ay kaya nilang i-sustain kung puro idolo lang nila ang laman ng network na sinasabi nila? Tiyak na magsasawa at magsasawa rin ang iba.
(Maging broad-minded and appreciate diversity and coexistence, guys. –DMB) (REGGEE BONOAN)