KAY Marian Rivera namin unang nalaman, sa re-launching sa kanya bilang endorser ng BioFitea, ang tungkol sa pagsasama nila ni Angel Locsin sa pictorial para sa cover ng isang glossy magazine. Ang nakakatawa, ipinakita niya sa amin ang mga pictorial shots nila pero nakiusap siyang huwag munang ilabas dahil next week pa raw puwedeng ilabas ang cover.
Sumusunod lang daw siya sa usapan nila.
Pero kinabukasan, nag-post na si Angel at ang ibang DongYan fans ng photos nila sa Instagram dahil nasa website na pala ito ng glossy magazine. Kaya natawa na lang si Marian nang makita namin kinabukasan sa taping nila ni Boobay as guests sa first anniversary ng Dear Uge ni Eugene Domingo, sa Beverly Hills sa Antipolo City.
Biro kasi namin, hayan, pasekre-sekreto ka pa, naunahan ka tuloy ng iba.
Hindi siya tumanggi nang tawagan siya para sa cover ng 25th anniversary issue ng naturang mag.
“Nakakatuwa rin dahil dalawa kaming Darna na nag-pose sa magazine,” sabi ni Marian. “Matagal na rin kaming dapat nagkasama ni Angel sa isang event ng Avon, pero hindi siya nakarating noon. Ngayon, after ng pictorial namin, tsika-tsika na kami at nagti-text kami sa isa’t isa. Kaya kung makita ninyo kaming kumakain na magkasama... dahil noon pa naman ay friends na kami.”
Matatandaan na nag-away-away ang fans nila ni Angel noon, lalo na nang ipagawa kay Marian ng GMA-7 ang Darna na unang ginampanan ni Angel noong nasa Kapuso Network pa siya. Ang lumalabas, sila tuloy ang nag-away. Pero ngayon nagkaalaman na maganda ng samahan ng dalawa. At enjoy ang fans nila na panoorin ang behind-the-scenes (BTS) video ng pictorial nila.
Next week, out na ang 25th anniversary issue ng Mega magazine. (NORA CALDERON)