Jan Paul Morales celebrates as he crossed the finish line first

Stage 7 ng LBC Ronda, naibulsa ni Morales.

DAET, Camarines Norte — Pilipit na ang katawan sa pananakit ng mga paa dulot ng pulikat, ngunit tulad ng isang mandirigma na determinado sa laban, nalagpasan ni Jan Paul Morales ang hamon ng kalikasan para patatagin ang kampanya na maiukit ang back-to-back championship sa LBC Ronda Pilipinas.

Naungusan ng pambato ng Philippine Navy-Standard Insurance si Cris Joven ng Kinetix Lab-Army – pinakamalapit na rider sa labas ng Navy team na may kakayahang makasigit sa individual championship – sa Stage Seven para makakuha ng krusyal na segundo tungo sa kritikal na sandali ng pamosong cycling marathon.

Trending

Babaeng gusto na magkaanak, nakipag-s*x sa iba dahil laging busy ang partner niya

Parehong nakuha nina Morales ang Joven ang tyempong anim na oras, siyam na minuto at apat na segundo para tapusin ang paglalakbay na nagsimula sa Camsur Watersports Complex sa Pili, Camarines Sur paikot sa lalawigan ng Quirino at Quezon at natapos sa pamahalaang bayan dito

Nakapanlulumo ang biyahe na may distansiyang 227-km.

“Nanigas na ang mga binti ko sa pulikat, pero tiniis ko lang kailangan eh!. Nagsakripisyo na tayo, dapat itodo na natin,” pahayag ni Morales.

Pangatlong nakatawid sa finish line si Elmer Navarro ng Go for Gold, kasunod sina Ilocos Sur’s Ryan Serapio, Army’s Ronnilan Quita, RC Cola-NCR’s Leonel Dimaano, red LBC jersey wearer Rudy Roque ng Navy at Ilocos Sur’s Jemico Brioso.

Tulad ni Morales, dumanas din ng hirap ang katauhan ni Joven, 30, bunsod ng paninikip ng paghinga at pagkahilo.

“Parang sasabog na ang dibdid ko sa pagod. Tingin ko kokolapso ako, kaya nagsisigaw ako para magising ang diwa ko at makabalik sa wisyo,” pahayag ni Joven, kaagad na sumailalim sa pagsusuri ng medical team.

Bunsod ng panibagong stage win ni Morales, nakuha niya ang No.3 spot mula sa No.4 para sa individual competition tangan ang kabuuang tyempo na 24:24:42, habang pumalit si Joven mula sa No. 5 (24:25:07).

Nanatili namang suot ni Roque ang red jersey sa kabuuang oras na 24:21:52, mahigit isang minuto ang layo sa kasanggang si Ronald Lomotos, ang Stage One winner, na may tyempong 24:24:13.

Gahibla lamang (29 segundo) ang layo ni Lomotos kay Morales at halos isang minuto ang benthe kay Joven kung kaya’t asahang ang mas dikdikang hatawan sa pagsikad ng 183-km Daet-Unisan Stage Eight ngayon.

“Mahabang karera na naman ito. Halos dikit-dikit na sa top 5 kaya todo na ang labanan dito,” sambit ni Morales.

“Dahan dahan lang pero sigurado ang diskarte para makakuha ng oras,” pahayag ni Joven, pambato ng Iriga, Camarines Sur.

Hindi naman nakaporma sa peloton si Navyman Daniel Ven Carino dahilan para malaglag sa No.10 mula sa pagiging No.3 (24:33:17).

Nakaporma naman ang Go for Gold na pinangangasiwaan ni Ronnel Hualda sa matikas na larga nina Elmer Navarro na nakuha ang No. 5, Ismael Gropse, Jr. bilang No.7, Jonel Carcueva sa No. 8 at Bryant Sepnio bilang No. 9 tangan ang tyempong 24:26:58, 24:29:03, 24:29:41 at 24:31:29, ayon sa pagkakasunod.

Nakasingit naman sa No.6 si Dimaano (24:27:05).

Tumataginting na P1 milyon ang naghihintay sa kampeon mula sa presentor LBC, sa pakikipagtulungan ng MVP Sports Foundation, Petron, Mitsubishi, Versa.ph, Partas, Maynilad, Standard Insurance, CCN, Bike Xtreme, NLEX, PhilCycling at 3Q Sports Event Management.