TOTOO na ang halos lahat ng sektor ng tanggapan – pribado man o pambayan sa Pilipinas at maging sa ibang bansa – ay mababahiran ng mga katiwalian. Ibig sabihin, kabi-kabila ang masasamang gawain na bunsod marahil ng kasakiman sa kapangyarihan, pagkasilaw sa kinang ng salapi, pagkagumon sa kasumpa-sumpang mga bisyo at pagsasamantala sa kamunduhan o sexual abuse.

Naniniwala ako na talagang walang sinumang may monopolyo ng mga katiwalian. Mismong ang ating Papa – Si Pope Francis – ang umamin na ang Vatican ay ginigiyagis ng mga alingasngas at iba pang kurapsiyon. Katunayan, mahigpit niyang kinondena ang sexual abuses na sinasabing kinasasangkutan ng mga paring Katoliko. Tandisang sinabi ng ating Papa:

“There is corruption in the Vatican but I’m at peace.”

Sa kabila ng gayong situwasyon sa Vatican, hinahangaan ko ang ating Papa sa pagkakaroon niya ng panatag na kalooban.

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Kapag may gayong problema, isinusulat niya ang mga ito sa isang kapirasong papel at inilalagay sa ilalim ng rebulto ni St. Joseph na nasa loob ng kanyang kuwarto. Sa gayon, siya ay mistulang nakahiga sa listahan ng mga problema, dahilan upang siya ay makatulog nang matiwasay sapagkat ang mga ito ay itinuturing niyang grasya ng Diyos.

Sa aking pagkakatanda, hindi miminsang binanggit at kinondena ng ating Papal ang sexual abuse sa mga bata na kagagawan ng mga paring Katoliko. Kung minsan, ang kahawig na pahayag ay hindi ko kaagad matanggap sa dahilang ang mga isinasangkot ay mga alagad ng Simbahan na pawang tagapagpalaganap ng mga aral ng Dakilang Manlilikha.

Bigla kong naalala ang makabuluhang mensahe ng ating Papa nang siya ay minsang dumalaw sa ating bansa. Buong taimtim niyang inihingi ng paumanhin ang pagkakasangkot ng ilang kababayan niyang pari sa nakaririmarim na sexual harassment at iba pang alingasngas. Nangangahulugan na ang simbahang Katoliko ng ating bansa ay nalalahiran ng hindi kasiya-siyang imahe sa naturang relihiyon.

Bigla ko ring naalala ang nanggagalaiting patutsada ni Pangulong Duterte sa mga... pagkakamali at pananamantala ng ilang alagad ng simbahang Katoliko. Ang kanyang pasaring laban sa sinasabi niyang mga tiwaling pari ay tila batay sa kanyang sariling karanasan. Kamakailan lamang, halos ipagwagwagan niya ang isang aklat sa mga aktibidad ng ilang pari at iba pang alagad ng simbahan.

Wala akong natunghayang pahayag ng ating Papa tungkol naman sa panghihimasok ng ilang paring kapwa Pilipino at dayuhan sa mga gawaing pampulitika, lalo na ang mga isyu na may kaugnayan sa paglabag sa karapatang pantao at sa muling pagpapatupad ng death penalty.

Sa anu’t anuman, dapat lamang asahan ang paglipana ng iba’t ibang anyo ng katiwalian sapagkat talaga namang walang may monopolyo nito. (Celo Lagmay)