PAGKALIPAS ng isang buwan simula nang dumating sa Pilipinas ay saka pa lang nakalabas ng bahay si Mariel Rodriguez dahil nakatutok siya sa anak nila ni Robin Padilla na si Maria Isabella.
Ang post ni Binoe sa kanyang Instagram (IG) account, “Pagkatapos ng mahigit na isang buwan mula sa kanyang pag uwi dito sa lupang hinirang ngayon lamang nagkaroon mg pagkakataon si Mariel na lumabas ng bahay, makakain sa restaurant at makapanood ng sine.
“Sadyang napakasarap tignan at makasama ang isang tutok na ina sa kanyang supling, wala nang hihigit pa sa pagmamahal ng isang ina sa kanyang anak @marieltpadilla. Malalim na pagpupugay sa mga breastfeeding.”
May video ring kuha ang aktor habang nagpa-pump ng gatas si Mariel para sa anak nila kaya sinabi niyang, ‘malalim na pagpupugay sa mga breastfeeding.’
Samantala, nagso-shooting ngayon si Robin ng pelikulang Bad Boy III na ipinost din niya sa IG, “Bad Boy lll, kaabang-abang ito, mga ‘tol!! It’s nice to be back.”
Walang ibinigay na detalye pa si Robin kung sinu-sino ang mga kasama niya sa pelikula at kung sino ang producer.
Tinext namin ang manager niyang si Betchay Vidanes kahapon pero hindi naman sumagot.
Tinanong din namin ang kanyang wifey pero wala raw siyang alam, “Wala akong alam about the movie, eh. Sorry!! I just know maraming pinasabog si Robin na mga cars.”
Hmmm, so mala Fast and Furious ba ang dating ng sinu-shoot na pelikula ni Robin? (Reggee Bonoan)