WASHINGTON (AFP) – Inaresto ng mga awtoridad ng United States ang daan-daang undocumented migrants nitong linggo, ang unang malalaking pagsalakay sa ilalim ni President Donald Trump. Nagdulot ito ng takot sa mga komunidad ng mga immigrant sa buong bansa.

Pinagdadampot ng federal Immigration and Customs Enforcement agency ang mga indibiduwal na walang dokumento sa Atlanta, Austin, Chicago, Los Angeles, New York at iba pang mga lungsod, dalawang linggo matapos lagdaan ni Trump ang executive order na nagpapalawak sa mga undocumented immigrants na puntirya ng deportasyon.

Gayunman, sinabi ng ICE na ito ay karaniwan nilang operasyon.

“The focus of these operations is no different than the routine, targeted arrests carried out by ICE’s Fugitive Operations Teams on a daily basis,” sabi ni agency spokeswoman Jennifer Elzea.

Internasyonal

Misa ng Santo Papa dinumog, halos kalahati ng populasyon ng East Timor, dumalo

Sinabi ni David Marin, pinuno ng ICE removal operations sa Los Angeles, sa mamamahayag na tinatayang 160 katao ang naaresto sa California. May 75 porsiyento sa kanila ay dati nang nagkasala ng felony at ang ilan ay inaresto dahil walang legal na dokumento.

Pagsapit ng Biyernes ng gabi, 37 undocumented immigrants ang ipinatapon pabalik sa Mexico.

Sa kautusan noong Enero 25, ginawang prayoridad ni Trump ang pagpapatapon sa mga lalaking walang dokumento na nasakdal o kinasuhan ng anumang kasong kriminal, kabilang na ang misdemeanor.

Ang kautusan ay pagtupad sa ipinangako ni Trump noong kampanya na tutugisin ang undocumented population ng Amerika, na tinatayang nasa 11 milyon katao.