Sinabi kahapon ni Pangulong Duterte na pinahinto na siya ng mga doktor sa pag-inom ng Fentanyl makaraang minsan ay maparami ang inom niya.

Sa isang business forum sa Davao City, muling inungkat ng Presidente ang kontrobersiyal na paggamit niya ng nabanggit na pain reliever at sinabing nang uminom siya ng Fentanyl ay pakiramdam niyang nasa “cloud nine” siya.

Sinabi ni Duterte na hindi pinangalanang doktor ang nagpatigil sa kanya sa paggamit ng nasabing gamot matapos itong magalit nang inumin niyang minsan ang isang buong tableta. Aniya, dapat na hinahati sa apat ang pain reliever.

“Iyong Fentanyl, the doctor stopped it because he got mad. I’m supposed to cut it into four pieces. Eh, there was a time na ‘yung buo nilagay ko because more than just the disappearance of pain, you feel that you are on cloud nine,” aniya.

National

Catanduanes, niyanig ng 4.8-magnitude na lindol

“Para bang everything is OK with the world, nothing to worry about,” kuwento ni Duterte, na umani ng halakhakan ng mga nakikinig.

Sinabi pa ni Duterte na siya ay “perpetually in pain” dahil sa injury niya sa gulugod nang minsang maaksidente siya sa motorsiklo noong siya ay 68 anyos.

Sa naunang pulong sa mga negosyante sa Malacañang, inamin ni Duterte na binigyang-babala siya ng kanyang doktor na maaaring mawala ang kanyang “cognitive ability” sa pag-inom ng sobrang Fentanyl.

Una nang binatikos ni Senator Leila de Lima si Duterte sa paggamit ng Fentanyl, sinabing ang nasabing gamot “obviously has already driven him to madness and to fits of paranoia where everyone he sees is either a drug addict or a drug lord.” (Argyll Cyrus B. Geducos)