KAMAKAILAN lamang, binigyang-diin ko sa pitak na ito na nanganganib na mabigo ang umuusad na peace talks na nilalahukan ng ating gobyerno at ng mga kinatawan ng kilusang komunista dahil sa mga balakid na likha ng sinasabing sinasadyang paglabag sa mga detalye ng usapan. Subalit ngayon, pagkatapos timbangin ang masasalimuot na pagtalakay ng GRP at CPP/NDF/NPA panel sa naturang usapang pangkapayapaan, naniniwala ako na tuluyan nang bumagsak ang peace process.
Katunayan, sa himig ng pananalita ni Pangulong Duterte, mistulang tinuldukan niya ang nasabing peace talks. Halos manggalaiti ang Pangulo sa mga pag-aatubili na mapagtibay ang makabuluhang mga kasunduan tungo sa pagkakaroon ng pangmatagalang katahimikan hindi lamang sa Mindanao kundi sa lahat ng sulok ng kapuluan, lalo na sa mga liblib na pook na pinamumugaran ng mga rebeldeng NPA. Ang bilateral ceasefire, halimbawa, na itinuturing na ‘heart and soul’ ng peace process ay nauntol. Ito ang dahilan marahil ng pagdedeklara ng kanya-kanyang unilateral ceasefire na sinasabing nilabag naman ng magkabilang grupo na naging dahilan din ng pagsiklab ng madudugong sagupaan ng ating mga kawal at ng mga rebelde.
Sa isang pahayag, halos isigaw ng Pangulo ”Lokohan na ang mangyayari.”Maliwanag na tinutukoy niya ang kahilingan ng liderato ng komunista na palayain pa ang natitirang 400 political prisoner. Bukod pa rito ang naunang mga preso na pinayagang makapagpiyansa upang lumahok sa peace talks bilang mga consultant. Sa pabirong paglalarawan, ibinigay na ng Pangulo ang kanyang daliri, kamay at braso sa mga komunista, pati ang buo niyang katawan ay nais pa nilang kabigin.
Sa isang paninindigan ng Pangulo na natitiyak kong ipinagkibit-balikat ng iba’t ibang sektor ng sambayanan, pinalakas niya ang kanyang Gabinete sa pamamagitan ng pagtatalaga ng mga opisyal mula sa kilusang komunista. May mga pahiwatig na ang mga ito ay may basbas, wika nga, ng liderato ng CPP/NDF/NPA. Inakala niya marahil na ang mga ito ay makakatuwang sa tagumpay ng peace talks bilang kinikilalang mga... haligi rin ng kilusan. Subalit tila isang malaking kabalintunaan na hindi pinakikinggan ang kanilang mga tinig.
Maging ang kapangyarihan ng top communist leaders ay hindi pinapansin ng mga rebeldeng NPA sa mga kanayunan.
Katunayan, kabi-kabila ang kanilang pakikidigma sa ating mga sundalo na nagiging dahilan ng kamatayan sa magkabilang grupo; walang puknat ang engkuwentro sa kabila ng pag-iral ng unilateral ceasefire. Nakapanlulumo na dumadanak ang dugo sa labanan ng mga kapwa Pilipino.
Sa kabila ng pasya ng Pangulo, kabilang ako sa mga nananalangin na maipagpatuloy at magtagumpay ang peace talks.
Walang hindi naghahangad ng katahimikan. Makabubuting buhayin at huwag pabayaang mailibing ang usapang pangkapayapaan. (Celo Lagmay)