PINAKAMAHALAGA sa pansariling pangangailangan ng mga Pilipino ang kalusugan, ayon sa resulta ng Pulse Asia survey na isinagawa noong nakaraang Disyembre.
Batay sa survey, itinuturing ng halos dalawa sa bawat tatlong Pilipino (63 porsiyento) ang kalusugan nila bilang pangunahing pangangailangan. Kasama ito sa iba pang pansariling isyu gaya ng pagkakaroon ng matatag na hanapbuhay (44%), edukasyon (41%) at sapat na pagkain araw-araw (41%).
Nabatid din sa mga pag-aaral ng Pulse Asia at Social Weather Stations (SWS) na bagamat matatag ang ekonomiya at bumababa ang antas ng kahirapan at gutom, 41% pa rin ng ating mga mamamayan ang nag-aalala sa kakainin araw-araw.
Nauunawaan ko ang damdaming ito dahil bata pa ako ay nakita ko na ang hirap na dulot ng kawalang-katiyakan kung may sapat na pagkain sa hapag.
Kung minsan, ang aming malaking pamilya ay naiibsan ang gutom sa pagkain ng kanin at Purico, isang kilalang tatak ng mantika, na inihahalo namin sa kanin at kaunting asin.
Ngunit ang ibig kong talakayin ngayon ay ang nauukol sa kalusugan. Maraming indikasyon na marami pang dapat gawin upang magkaroon ng mataas na uri ng sistema sa healthcare, o pangangalaga sa kalusugan na abot ng lahat ng mamamayan.
Batay sa estadistika mula sa World Health Organization (WHO) at Department of Health (DoH), ang mortality rate sa Pilipinas ay umaabot sa 204 sa bawat 100,000 isinisilang noong 2015. Napakataas nito kung ihahambing sa hangarin sa ilalim ng Millennium Development Goals na 52 namamatay sa bawat 100,000 isinisilang.
Ayon pa rin sa WHO at DoH, 75,000 mga bata (may gulang na mababa sa limang taon) ang namamatay bawat taon. Hindi ito katanggap-tanggap. Anuman ang kalagayan ng ekonomiya at lipunan, dapat mabigyan ng mataas na uri ng pangangalaga sa kalusugan ang mga ina at supling.
Kaugnay ng isyung ito ang pagtatayo ng mga ospital. Batay sa tala ng DoH, noong 2009 ay may kabuuang 94,199 hospital bed ang Pilipinas, o 1.04 sa bawat 1,000 Pilipino. Mababa ito sa rekomendasyon ng WHO na 20 hospital bed sa bawat 10,000 populasyon.
Kung titingnan ang tala batay sa mga rehiyon, makikita ang malaking pagkakaiba sa pagitan ng mga rehiyon. Ang National Capital Region (NCR) ay may 2.47 hospital bed sa bawat 1,000 populasyon samantalang ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM) ay mayroon lamang 0.17 hospital bed sa bawat 1,000 populasyon; ang CARAGA ay may 0.70/1,000; at ang Bicol Region ay... may 0.76/1,000.
Ito ang isa sa mga dahilan kung bakit sinusuportahan ko ang pagsisikap ng administrasyong Duterte na desentralisasyon ng kaunlaran sa mga lalawigan at ang pagdaragdag ng kapangyarihan sa nga lokal na pamahalaan.
Kamakailan, ang aking kumpanya ay pumasok sa larangan ng healthcare sa pamamagitan ng pakikipagkasundo sa UNIMED, isang asosasyon ng mga doktor, upang pamahalaan ang unang isang dosenang ospital sa bansa.
Ipinahayag ko noong nakaraang taon na ang unang sangay ng Vitacare UNIMED Hospital and Medical Center ay itatayo sa lupain ng Vista Land & Lifescapes, Inc. sa Daang Hari, Las Piñas.
Ang proyektong ito ay hindi lamang bahagi ng pagpapalawak sa aming negosyo, kundi upang makatulong sa pagbibigay ng mataas na uri ng paglilingkod sa larangan ng kalusugan.
(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)