Naligo sa sariling dugo ang isa sa mga tauhan ng Manila Police District matapos tambangan at pagbabarilin ng anim na armado sa Ermita, Maynila, kamakalawa ng gabi.
Dead on the spot si PO2 Erickson Peralta, 38, nakatalaga sa Theft and Robbery Section (TRS) ng Manila Police District (MPD), at residente ng 371 Lallana Street, Tondo, Maynila, dahil sa mga tama ng bala ng kalibre .45 baril sa ulo, mukha, panga, braso at iba pa.
Inaalam na ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng mga suspek na mabilis na tumakas sakay sa tatlong motorsiklo.
Sa imbestigasyon ni SPO4 Ronald Gallo, ng MPD-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), sakay ang biktima sa kanyang Yamaha motorcycle (BOTH 46), at bumibiyahe sa J. Bocobo Street, malapit sa Padre Faura Street sa Ermita, nang biglang harangin at pagbabarilin ng mga suspek, dakong 7:46 ng gabi.
Nang makitang bumagsak ang biktima ay humarurot papalayo ang mga suspek.
Kaagad namang ini-report ng mga saksi ang insidente ngunit hindi na naisugod sa ospital ang biktima dahil patay na ito. (MARY ANN SANTIAGO)