Kalunus-lunos ang pagkamatay ng isang ginang matapos itong gilitan ng kanyang kumpare dahil sa pagtangging magpahalik sa Caloocan City, nitong Huwebes ng tanghali.

Duguan at wala nang buhay nang datnan ng awtoridad si Janelle Mangalumban, 25, ng Block 10, Lot 2, SNN1, Phase 6, Barangay 178, Barangay Camarin, North ng nasabing lungsod.

Nadamay at ginilitan din ang 3-anyos na anak ni Mangalumban at kasalukuyang nakaratay sa ospital.

Ayon sa mga doktor, ligtas na ang bata ngunit maliit na ang tsansa na makapagsalita dahil may naapektuhang ugat sa lalamunan nito dahil sa tinamong saksak.

National

4.8-magnitude na lindol, yumanig sa Surigao del Sur

Sa follow up operation, nadakip ang suspek na si Jayson Del Valle, 28, kapitbahay ng mga biktima, sa loob ng kanyang bahay.

Sa report kay Police Sr. Supt. Chito Galvez Bersaluna, hepe ng Caloocan Police, bandang 11:45 ng tanghali, pumunta si Del Valle sa bahay ni Mangalumban.

Dahil tiwala naman ang ginang bukod sa kumpare ito ng kanyang asawa at labas-masok na rin sa kanilang bahay, pinapasok ni Mangalumban si Del Valle.

Dahil sa pagkalasing, tinangka umanong halikan ni Del Valle ang biktima ngunit tumanggi ang huli dahilan upang kumuha ng kutsilyo ang suspek at ginilitan si Mangalumban.

“Nag-iiyak daw ‘yung bata at sa takot ng suspek na marinig ito ng kapit-bahay, ginilitan din niya ‘yung paslit,” ani Col. Bersaluna.

Mga kasong murder, frustrated murder at robbery ang isinampang kaso laban kay Del Valle. (ORLY L. BARCALA)