Patay ang dating miyembro ng Manila Police District (MPD) sa mga dati niyang kasamahan matapos umanong manlaban habang sinisilbihan ng warrant of arrest sa kanyang tahanan sa Tondo, Maynila, kamakalawa ng hapon.

Hindi na umabot nang buhay sa Tondo Medical Center ang suspek na si dating PO2 Gilbeys Navoa, 40, ng 400-C Capulong Street, Tondo, Maynila dahil sa tama ng bala sa dibdib.

Sa ulat ni SPO1 Joseph Kabigting ng Manila Police District (MPD)- Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 4:15 ng hapon nang maganap ang insidente sa Capulong Riverside, malapit sa tahanan ng suspek.

Lumilitaw na sinalakay ng mga awtoridad, sa pangunguna ni Police Senior Insp. Edwin Fuggan, ang lugar ng suspek matapos nilang makatanggap ng impormasyon na namataan doon ang suspek, na may nakabimbing warrant of arrest.

Handa na rin kaya magpatawad? Mensahe ni VP Sara ngayong Pasko tungkol sa pagpapatawad

Pagdating sa lugar ay agad nilapitan ng mga pulis ang suspek ngunit bigla umano itong bumunot ng baril at nagpaputok na masuwerteng walang tinamaan.

Dahil sa panganib na naramdaman, nagdesisyon ang mga pulis na paputukan ang suspek na naging sanhi ng pagkamatay nito.

Sinasabing Abril 2016 nang sampahan ng kasong robbery si Navoa at isang PO1 Emmanuel Danao, dating nakatalaga sa Regional Police Holding Administrative Unit (RPHAU) ng National Capital Region Police Office (NCRPO) dahil sa umano’y panghoholdap kina France Medalla at Reynaldo Orosco. (Mary Ann Santiago)