MALAKING utang na loob sa taong naglagay sa kanya sa magandang puwesto ang sumisira sa kahit sinong opisyal ng Philippine National Police (PNP) lalo pa at ang pinagkakautangan ng loob ay isang ambisyosong pulitiko o ‘di kaya nama’y pasok sa isang malalim na ilegal na operasyon, gaya ng droga, sugal, illegal mining at kidnapping—isama na rin natin ang nauuso ngayon – ang “Tokhang for Ransom”.
Kahit gaano katino ang isang opisyal ng pulis, kapag hiniritan na ng kanyang NINONG sa serbisyo, siguradong hindi ito makatatanggi—lalo na kung ang pakiusap ay may pakimkim pang milyones, siguradong aalagwa siya at magiging todo-pasa sa lahat nang ipakikiusap o ipakikisuyo sa kanya.
Noong panahong nakukuha ng mga opisyal ng pulis ang magagandang puwesto sa liderato ng PNP sa pamamagitan ng MERITS at DEMERITS ay mabibilang mo lang sa daliri ang mga tiwaling pulis na nakasawsaw sa mga ilegal na gawain—pinaghirapan kasi nila kaya minamahal nila ang kanilang puwesto at ‘di pumapayag na madungisan ito kahit na kapiraso.
Ayon sa ilang opisyal ng PNP na nakakakuwentuhan ko, ganito lang daw kasimple kung paano nabubuo ang pulitika sa liderato ng PNP at kung bakit sobrang lumalim na ito hanggang sa kasalukuyan—mula kasi sa pinakamababang unit ng pulis, itong mga tinatawag na Police Community Precinct (PCP) hanggang sa puwesto ng mga Regional Director (RD) –ang mga local official, gaya ng mayor, congressman, at governor sa bawat lugar ang namimili at ang kanilang pinipili ay dapat mula 3 hanggang apat na pangalang rekomendado ng PNP.
Para siguradong ang mauupo sa kanyang AOR ay ang bata niyang opisyal—ipapalakad niya rito sa headquarters sa Camp Crame na gawan ng paraan, masama lang ang kanyang pangalan sa listahan ng irerekomenda ng PNP. Kung kinakailangang mangako siya ng parating din kada buwan sa magpapasok ng pangalan nito sa listahan, ay gagawin niya ito. Siyempre, kapag siya na ang nakaupo doble-kayod siya para makabayad-utang sa mga gumawa ng paraan para makuha niya ang puwestong tinatarget niya. Dito... na nasusubo sa pagpasok sa mga ilegal na gawain ang isang opisyal para kumita ng bastante at kapag nasarapan ay tuluy-tuloy na ang ligaya – kung hindi siya mabubuko.
Mantakin ninyo, kung lahat ng opisyal ng PNP na nakaupo sa ngayon ay dumaan sa ganitong proseso, ano sa palagay ninyo ang mangyayari? Mabuti na lamang at marami pa ring opisyal ng PNP na mataas ang pagpapahalaga sa sinumpaan nilang tungkulin – ang magsilbi sa ating bayan at mga mamamayan nang walang pag-iimbot at buong katapatan, at hindi sa iilan lamang na mga taong pinagsasamantalahan ang ating lipunan.
Mag-text at tumawag sa Globe: 09369953459 o mag-email sa: [email protected] (Dave M. Veridiano, E.E.)