Sinibak ng Office of the Ombudsman sa serbisyo ang isang abogado ng Public Attorney’s Office (PAO) sa Occidental Mindoro dahil sa pagpapabayad nito sa kanyang serbisyo kamakailan.
Napatunayan ni Ombudsman Conchita Carpio-Morales na nagkasala sa reklamong grave misconduct si District Public Attorney Jennifer Garcia-Laudencia, nakatalaga sa PAO sa San Jose, Occidental Mindoro.
Nag-ugat ang kasong administratibo laban kay Laudencia makaraang maghain ng reklamo ang mag-asawang Rodolfo at Maira Abrea dahil sa paghingi umano ng bayad ng abogado kapalit ng paghahanda nito ng legal documents.
Ayon sa Ombudsman, napatunayang humingi si Laudencia ng P6,000 para sa serbisyo nito, bukod pa sa P3,000 kabayaran sa paggawa nito ng counter-affidavit at rejoinder para sa mag-asawang Abrea. (Rommel P. Tabbad)