Kinondena ng 10th Infantry Division (10ID) ng Philippine Army ang pagdukot sa dalawang sundalo ng mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Columbio, Sultan Kudarat, kahapon ng umaga.

Ayon sa mga ulat, dakong 7:30 ng umaga kahapon nang dukutin ang dalawang tauhan ng 39th Infantry Battalion.

“The 10th Infantry Division condemns the NPA for kidnapping two enlisted men of 39th Infantry Battalion early morning of Thursday,” saad sa pahayag ng 10th ID. “The NPAs are showing complete disregard of their own earlier pronouncement that their unilateral ceasefire is in effect until February 10 by continuously committing atrocities against soldiers and civilians.”

Bagamat tumanggi ang militar na pangalanan ang mga biktima, kinilala sila ng Columbio Municipal Police na sina Sgt. Solaiman Calocop at Pfc. Samuel Garay, kapwa ng 39th IB na nakabase sa Makilala, North Cotabato.

Probinsya

72-anyos, pinalo ng dumbbell sa ulo ng kaniyang misis na may mental disorder

Sa nasabing pahayag din ay iginiit ng 10th ID ang agarang pagpapalaya sa dalawang sundalo, kasabay ng panawagan sa Communist Party of the Philippines (CPP) na atasan ang NPA na tigilan na ang paggawa ng krimen na maaaring makaapekto sa usapang pangkapayapaan ng gobyerno sa mga rebelde.

Ayon sa ulat, sakay ang dalawang sundalo sa motorsiklo patungo sa kanilang battalion headquarters nang harangin sila ng 10 armado sa Purok 7, Barangay Telafas sa Columbio, Sultan Kudarat.

4 PA PINATAY

Nangyari ang pagdukot ilang oras makaraang mapatay si 2nd Lt. Miguel Victor Alejo, miyembro ng Philippine Military Academy “Sinag-lahi” Class of 2015, sa pag-atake ng nasa 30 armadong NPA sa Davao Oriental nitong Miyerkules ng hapon.

Sinabi ni Army Captain Rhyan B. Batchar, tagapagsalita at hepe ng 10ID-Public Affairs Office, na nangyari ang pag-atake bandang 1:45 ng hapon sa Sitio Paliwason, Bgy. Lambog sa Manay.

Ginawa ang pag-atake ilang oras makaraang ideklara ng NPA na babawiin na nito ang ipinaiiral na unilateral ceasefire sa Pebrero 10, 2017.

Samantala, dakong 3:00 ng hapon naman nitong Miyerkules nang matagpuan ang umano’y pinaputul-putol na katawan ng tatlong nawawalang sundalo ng Army sa Sitio Kaleb, Bgy. Kibalabag, Malaybalay City, Bukidnon.

Miyerkules ng gabi naman nang pagbabarilin ng hinihinalang NPA members ang military detachment sa Sitio Buntog sa Bgy. Bulihan, Nasugbu, Batangas, dakong 8:15 ng gabi.

Wala namang naiulat na nasugatan sa 30 sundalong naka-detail sa lugar. (Francis Wakefield, Fer Taboy at Lyka Manalo)