TAPOS na ang pagandahan (Miss Universe pageant) na ginanap sa Pilipinas. Muli, nalagay sa mapa ng mundo ang ating bansa kahit hindi nanalo ang pambato na si Miss Philippines Maxine Medina. Nakita at nadama ng pinakamagagandang “hayop” este, dilag sa buong daigdig, ang kagandahan, kabaitan at hospitality (Chel, Jet at Ellaine, ano kaya ang angkop na Tagalog dito?) ng mga Pilipino kahit binabagabag ngayon ang Duterte administration ng mga puna sa kanyang drug war dahil umano sa posibleng EJKs (extrajudicial killings) at HRVs (human rights violations).
Hindi nakadalo sa okasyon sina Pres. Rodrigo Roa Duterte at Vice Pres. Leni Robredo na ginanap sa Mall of Asia (MOA), Pasay City. Mabuti nga na hindi sila kapwa dumalo dahil baka magkailangan (awkward) lang sila at hindi magkibuan. Si Mano Digong at ang kanyang “bata” sa PNP na si Gen. Bato ay abala ngayon sa pagsalag sa mga kritisismo ng mga kalaban at ng mga kasapi ng Simbahang Katoliko dahil sa araw-araw na pagpatay sa drug pushers at users. Lalong tumindi ang pagbanat sa tambalang Digong-Bato matapos masangkot ang ilang tarantadong pulis at bulok na miyembro ng NBI sa pagdukot-pagpatay sa Korean businessman Jee Ick-Joo.
Akalain ba ninyong dinukot at pinatay sa sakal si Jee sa loob mismo ng Camp Crame, ilang metro lang sa “White House” ni PNP Chief Director General Ronaldo “Bato” Dela Rosa. At patay na pala ang Koreano ay hiningan pa ng mga salbaheng pulis at NBI agents ang ginang nito ng P5 milyon. Sabi nga ng mga netizen at taumbayan, kailangang linisin muna nina Pres. Rody at Gen. Bato ang “gubat” sa PNP na pinamamahayan ng “mga ahas na pulis” na ginagamit ang Operation Tokhang sa tiwaling gawain.
Well, sa 86 na Miss Universe candidate, nagwagi si Miss France at pumangalawa si Miss Haiti. Si Miss PH Maxine Medina ay nakasama naman sa Top 6. May nagmumungkahi (kahit pabiro) na gayahin ng Pilipino ang ginawa noon ni Virgilio Hilario nang ligawan at mapaibig niya ang unang Miss Universe Armi Kuusela ng Finland. Si Armi ay 17-anyos lang noon nang hindi siya tantanan ng 27-anyos na si Virgilio sapul nang magkatagpo sila sa Baguio City.
Kaya lang, matataas ang Miss U candidates at baka kulang sa height ang Filipino lovers para tumabi sa kandidata. Eh, bakit daw si Miss Universe 2015 Pia Wurtzbach na matangkad ay nakatagpo ng katapat na isang Pilipino. Siya ay si Marlon Stockinger na isang Fil-Swiss kaya matangkad din. Pareho silang half-breed (mestisa at mestiso) dahil si Pia ay half-German at si Marlon ay half-Swiss.
Tungkol pa rin sa mga problema na kinakaharap ngayon ng PNP bunsod ng pagdukot-pagpatay kay Mr. Jee, inutos na ni Mano Digong ang “pagpurga” sa organisasyon na inilarawan niya bilang “corrupt to the core.” Binantaan niya ang mga tiwaling pulis (rouge cops) na itatapon sa Sulu at Basilan. Pero, naghihimutok si ARMM Gov. Mujiv Hataman dahil sa pangambang sa kanyang lugar gumawa ng katarantaduhan ang mga ito. Higit daw na mabuting sibakin na lang sila, tanggalin sa serbisyo at humanap ng bagong matitino.
Nais ni Pres. Rody na bilisan ang pagrerepaso sa kaso ng SAF 44 na napatay sa Mamasapano, Maguindanao noong Enero 2015. Nag-imbestiga na sa usapin ang Senado at ang PNP noon, at ang mga resulta ay ipinadala sa Office of the Ombudsman. Plano ni PDu30 na magtatag ng isang Truth Commission na gagawa ng review dito.
Kaugnay nito, sinabi naman ni Sen. Grace Poe na ngayong wala na sa puwesto si ex-Pres. Noynoy Aquino, maaaring ilahad niya ang lahat ng nalalaman sa isang Senate inquiry sakaling muling buksan ng Senado ang panibagong imbestigasyon.
(Bert de Guzman)