Mga Laro Ngayon
(Ynares Sports Arena, Pasig)
3 n.h. -- Cignal vs Wangs
5 n.h. -- AMA vs Tanduay
MAKABALIK sa winning track ang target ng AMA at Wang’s, habang makapagtala ng back-to-back wins ang hangad ng Cignal at Tanduay sa pagpapatuloy ng aksiyon sa 2017 PBA D-League Aspirants Cup ngayon sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Maghahangad na makabawi mula sa natamong pagkabigo sa nakaraan nilang laro ang AMA Online Education at ang Wangs Basketball habang ikalawang sunod na panalo naman ang target kapwa ng Cignal- San Beda at Tanduay.
Magtatapat sa unang salpukan ganap na 3:00 ng hapon ang Hawkeyes at ang Couriers habang magtutunggali sa huling laban ganap na 5:00 ng hapon ang Titans at Rhum Masters.
Sa kabila ng natamong unang kabiguan sa kamay ng Racal (73-78) matapos magtala ng dalawang sunod na tagumpay, naniniwala ang Titans partikular ang key player na si Jeron Teng na napatunayan nila na kaya nilang makipagsabayan.
"It just showed that we can compete in this tournament," pahayag ni Teng, patungkol sa dikit na pagkatalo.
"We'll keep on working harder to get to where we want to be."
Sa kampo naman Rhum Masters, umaasa si coach Lawrence Chongson na makakapagpakita ng mas maayos na teamwork ang kanyang koponan at matutong huwag iaasa ang lahat Kay Mark Cruz.
"Kayang gumawa ni Mark kung kinakailangan pero darating ang time na mapipigilan ‘yan, so I told the boys not to rely so much on him," ani Chongson matapos maitala ang unang panalo kontra Wangs kasunod ng kabiguan sa una nilang laban sa Cafe France.
Galing naman sa malaking panalo kontra Bakers, pinapaboran ang Hawkeye's kontra Couriers na magtatangkang bumangon sa kabiguang nalasap sa Rhum Masters. (Marivic Awitan)