MATAPOS ang limang sunod na kabiguan, target ngayon ng University of Sto. Tomas women’s volleyball squad na makaabot sa Final Four sa UAAP Season 79 volleyball tournament na magbubukas sa Sabado sa Smart-Araneta Coliseum.

Tatangkain ng Tigresses na maibalik ang dating bangis na naghatid sa kanila noon sa tagumpay.

Sa nakaraang season, nagtapos ang Tigresses na pang- anim, buhat sa panglimang puwesto noong Season 77.

Nagtataglay ng halos intact na line-up at pinangungunahan ng mga bagong sumisibol na volleyball stars, kinukunsidera silang contender ngayong season batay na rin sa ipinamalas nilang husay sa kanilang mga laro sa nakaraang pre-season.

Hidilyn Diaz, Sonny Angara, nagpulong; weightlifting raratsada na sa Palarong Pambansa?

Nagbabalik para pangunahan ang UST sina power-hitter Cherry Rondina, tatayong bagong team captain, at Season 77 Rookie of the Year EJ Laure, gayundin ang beteranang hitter na si Pam Lastimosa.

Bukod sa tatlo, ilan pa sa mga beteranang makakatulong nila sina Ria Meneses, Chlodia Cortez, at Alexine Cabanos kasama ang itinuturing na rising star na si Carla Sandoval. Umaasa rin ang Tigresses na makakatulong ang kanilang impresibong kampanya sa UniGames at V-League, gayundin ang pagsasanay sa Thailand.

“Siyempre lahat naman po gusto makapag Finals.Pero yung immediate goal namin ay makapasok muna sa Final Four.,”

sambit ni Rondina.

“Hindi po kami mag-iiwan ng salita, basta trabaho, pagtatrabahuhan namin talaga.”

Mapapasabak ang UST sa opening day kontra sa dating kampeong Ateneo. (Marivic Awitan)