SYLVIA copy

SIKAT na sikat nang talaga ng teleseryeng The Greatest Love dahil habang nasa isang exclusive resort kami nitong nakaraang weekend at kahit pawang mga dayuhang turista na may mga kasamang Pinoy ang guests ay kilala si Sylvia Sanchez na pinagkaguluhan nila.

Picture rito, picture roon na lahat naman ay pinagbigyan ng aktres na abot-tenga ang mga ngiti dahil ikinukuwento pa sa kanya ang mga episode na napapanood nila araw-araw. Ibig sabihin, talagang inaabangan ng mga ito ang serye.

Heto pa, Bossing DMB, hindi na Sylvia o Ibyang ang tawag sa aktres kundi Nanay Gloria, Aling Gloria at Mami ‘La.

BALITAnaw

BALITAnaw: Ang dalawang babaeng naging pangulo ng Pilipinas

‘Yung kapitbahay naman nina Ibyang sa Punta Fuego, na nagbabakasyon din kasama ang mga kaibigan, inabangan siya nang umagang-umaga pa para magpa-picture rin. At nakiusap pang maghintay lang ang aktres dahil bubuhatin nila ang lola nilang 80 years na at lagi ring nanonood ng The Greatest Love.

Pero si Ibyang na mismo ang bumaba sa matarik na hagdanan para magpa-picture at talagang hinagkan-hagkan siya nang husto ng lola.

Nakilala rin ng aktres ang asawa nitong may Alzheimer ‘s Disease na rin, at kaya pala nila pinapanood ang TGL dahil nakaka-relate sila sa kuwento.

Panay ang biro namin kay Ibyang ng, ‘Sikat ka na pala talaga?’ Kasi kahit naglalakad lang siya sa kalsada ay biglang may humihintong sasakyan para magpa-picture rin.

At heto pa ang nakakagulat talaga, nang sumama ang tiyan ni Ibyang habang pauwi na kami ay huminto kami sa isang gas station sa may Tanza, Cavite. At kahit bagong gising ang aktres ay napansin pa rin siya at tinawag ng staff ang mga kasama ng, “Uy, si The Greatest Love!’

Wala naman kaming nakikitang mga tao noong una, kaya laking gulat namin nu’ng paglabas niya ng restroom ay bigla nang naglapitan ang sangkaterbang mga tao kasama na ang mga staff ng gas station.

Panay ang banggit nila ng, “Ma’am, lagi kaming nanonood ng The Greatest Love.”

So, hindi lang sa social media trending ang The Greatest Love, pinagkakaguluhan din ang aktres saan man siya magpunta.

At heto pa, palibhasa may mga kasama rin kaming balikbayan, itinatanong din daw sa Amerika kung kailan magkakaroon ng show doon ang aktres. (Reggee Bonoan)