MAY dalawang larawan sa nakaraang ilang linggo na nagpapakita ng sinseridad ng administrasyong Duterte sa pagpapaunlad ng kanayunan.

Una ay ang larawang nagpapakita kay Japan Prime Minister Shinzo Abe habang kumakain durian, ang tinaguriang “hari ng bungangkahoy,” nang dumalaw siya sa Davao City.

Binisita rin ni PM Abe ang tahanan ni Pangulong Rodrigo Duterte, kung saan nagsalo sila sa biko, suman at sabaw ng munggo para sa isang masarap na almusal.

“Inampon” din ng prime minister and isang Philippine eagle, na pinangalanang “Sakura,” isang salitang Hapon na ang ibig sabihin ay “cherry blossoms.”

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Ang ikalawang larawan na tumawag sa aking pansin ay si Pangulong Duterte habang pinangungunahan noong Enero 15 ang paglulunsad sa pamumuno ng Pilipinas sa Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) summit sa taong ito.

Bilang host ng ASEAN 2017, pinili ng Pilipinas ang temang “Partnering for Change, Engaging the World,” na naglalarawan ng pananaw at hamon kinakaharap ng organisasyon.

Sa kanyang talumpati, idiniin ng Pangulo na ang pamumuno sa ASEAN ay tutuon sa sentro ng interes ng bansa at rehiyon: ang mga tao.

Pinagtitibay ng mga larawang ito ang ipinangako ng Pangulo sa kanyang kampanya at sinimulang isagawa pagkatapos manumpa sa kanyang posisyon noong isang taon: paglaki, progreso at kaunlaran ng kanayunan.

Sa kasaysayan, laging ang National Capital Region (NCR) ang sentro ng pagbabago sa pulitika, ekonomiya at maging sa kultura sa bansa. Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), ang NCR ay may 36.5 porsiyentong bahagi sa Gross Domestic Product ng bansa noong 2016.

Ang NCR ang nangunguna sa paglago ng ekonomiya, ngunit napag-iiwanan naman ang mga lalawigan.

Namamayani ang NCR maging sa pulitika at pamahalaan, at dahil karamihan ng pangunahing ahensiya ay dito matatagpuan, nararamdaman ng mga lokal na pamahalaan na kinokontrol sila ng tinaguriang “imperial Manila.”

Isa sa mga dahilan kung bakit sinuportahan ko si Pangulong Duterte ay dahil sa paninindigan niya na gawing demokratiko ang pagpapaunlad ng bansa upang mabigyan ng mas malaking bahagi ang kanayunan.

Sa ngayon, inaasahan ko na magiging matagumpay ang pamahalaan sa pagsasa-demokratiko ng kaunlaran. Ito ang kailangan natin upang magwagi sa isa pang digmaan: ang digmaan laban sa kahirapan.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)