Kinumpirma ni Department of Tourism (DoT) Secretary Wanda Teo na hindi manonood ng 65th Miss Universe pageant ngayong Lunes si Vice President Leni Robredo.
Ayon kay Teo, tinanggihan ng Bise Presidente ang imbitasyon ng kagawaran para manood ng beauty pageant.
“Tinurn-down niya (invitation). Hindi raw makakapunta, ‘yun lang ang sinabi,” sinabi ni Teo sa panayam ng radyo. “In-invite namin pero nag-bail out siya. Actually nagkagulo pa ‘yan kasi sabi niya, hindi siya inimbita.”
Nauna rito, natanong si Robredo ng isang mamamahayag kung manonood siya sa grand coronation night ng Miss Universe 2016 sa Mall of Asia Arena ngayong Lunes ng umaga at sinagot naman ito ni Robredo ng “hindi”, dahil hindi naman daw siya imbitado.
Paglilinaw ni Teo, imbitado si Robredo ngunit naantala ang pagpapadala ng imbitasyon at ticket sa Bise Presidente dahil hindi kaagad nakahanap ng VIP ticket ang DoT para kay Robredo.
Bagamat imbitado rin, hanggang sinusulat ang balitang ito ay hindi pa nagko-confirm si Pangulong Duterte kung manonood siya ng pageant. (Mary Ann Santiago)