Hindi na humihinga nang matagpuan ang isang 9 anyos na lalaki na nadulas habang dumudumi sa tabi ng ilog at tuluyang nalunod sa Binondo, Maynila, iniulat kahapon.
Dakong 7:00 ng umaga kahapon nang matagpuan ang bangkay ni Jemark Valencia, ng 305 Muelle Industria Street, Binondo.
Batay sa ulat ni PO3 Michael Maraggun, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), bago natagpuang patay ang biktima ay nagpaalam ito sa kanyang inang si Rachelle na manonood ng fireworks display para sa pagdiriwang ng Chinese New Year noong gabi ng Enero 27.
Pumayag naman umano si Rachelle dahil kasama naman ng biktima ang kanyang mga kapatid at mga kaibigan.
Gayunman, bago nakarating sa kanilang destinasyon ay nakaramdam umano ng pananakit ng tiyan ang biktima kaya nagpaalam sa nakababatang kapatid at mga kalaro na dudumi muna siya sa gilid ng ilog.
Iyon na umano ang huling nakitang buhay ang biktima hanggang sa lumutang na lamang sa ilog ang bangkay nito.
Ayon kay Rachelle, posibleng nadulas ang kanyang anak sa ilog dahilan upang ito’y malunod. (Mary Ann Santiago)