NAIGANTI ng defending champion Far Eastern University-Diliman ang kabiguang natamo sa first round nang padapain ang De La Salle-Zobel, 5-2, para manguna sa pagtatapos ng elimination round nitong Sabado sa UAAP Season 79 juniors football tournament sa Moro Lorenzo Field.
Hindi na kailangan ng Baby Tamaraws ang panalo dahil sigurado na sila sa finals, ngunit determinado ang QC-based booters na makabawi sa Junior Archers na humiya sa kanila, 1-2, sa first roud.
Magtutuos ang magkaribal sa Sabado para sa one-game championship.
Nakatakda ang laro ganap na 6:00 ng gabi sa Rizal Memorial Sports Complex football arena sa Malate, Manila.
Nakatakda rin ang laban sa men’s football kung saan magtutuos ang back-to-back seeking University of the Philippines kontra De La Salle sa 4 ng hapon at National University at University of the East collide sa 2 ng hapon.
Samantala, naitakas ng Ateneo ang 4-4 draw kontra University of Santo Tomas para sa ikatlong puwesto.