Lumikas ang mahigit 200 pamilya sa takot na maipit sa engkuwentro sa pagitan ng militar at ng mga kasapi ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) sa Ampatuan, Maguindanao.
Sinabi ni Emma Ali, hepe ng Maguindanao Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO), na ang mga lumikas na pamilya ay nagmula sa mga barangay ng Saniag, Lower Logapok, Upper Logapok, Masalay, Timawan, Narra at Talpok sa Ampatuan.
Kasabay nito, kinumpirma ni 601st Brigade Commander Col. Cirilito Sobejana na apat na miyembro ng MILF ang namatay at pitong sundalo ang nasugatan sa nasabing bakbakan.
Maaalalang sumiklab ang sagupaan sa pagitan ng pulisya at ng mga tauhan umano ni Ampatuan Mayor Rasul Sangki sa pagtatangkang magsilbi ng search warrant sa alkalde dahil sa pagkakaugnay nito sa ilegal na droga.
Una nang napabilang ang pangalang ni Sangki sa narco-list ni Pangulong Duterte.
Pinangangambahan ngayon na makaapekto ang nagpapatuloy na bakbakan sa usapang pangkapayapaan na isinusulong ng gobyerno sa MILF. (Fer Taboy)