NOVEMBER last year nang magsimulang mag-live in sina Aljur Abrenica at Kylie Padilla. Nang mapansin ni Kylie ang pagbabago sa kanyang katawan at sa daily work niya, alam na niyang buntis siya.

Hindi na rin nagulat si Aljur nang sabihin niyang buntis siya, sinabi lang nito na kailangang magpa-check up sila.

Ang saya-saya ni Kylie nang makita ang sonogram na may baby na nga sa kanyang sinapupunan.

Wala ring violent reaction ang kanyang amang si Robin Padilla nang mag-dinner sila at hindi pa man niya nasasabi sa ama ang gusto niyang ipaalam dito, nagsabi na ito ng, “Buntis ka? Sige, anak, alagaan mo ang apo ko.”

Tsika at Intriga

Doc Willie tapos na sa 1st round ng chemo: 'Pasensya na wala na 'kong buhok...'

Kinilig daw siya sa narinig sa ama.

Tanggap din maging ng kanyang inang si Liezl Sicangco sa Australia ang pagbubuntis niya. First apo ang isisilang ni Kylie.

Pero sa taping nila ng Encantadia, kay Gabbi Garcia lamang niya ito ipinaalam noong una. Kaya si Gabbi ang nagwu-worry kapag nakikipaglaban siya bilang reyna ng Lireo.

Sa episode nitong Huwebes, maraming viewers ang nag-react nang mamatay si Hara Amihan lalo na iyong mga ayaw na may mamatay sa mga Sang’gre.

Tweet ng ilang netizens, bakit daw hindi ginamit ng mga Sang’gre ang kanilang mga brilyante para labanan si Hagorn (John Arcilla) at ang mga Hadezars, mga patay nang binuhay ng kanilang masamang bathala.

Itinanong namin ito kay Direk Mark Reyes at ang sagot niya: “Kahit gamitin nila ang mga brilyante, hindi pa rin mamamatay ang mga Hadezars, ang makapapatay lamang sa kanila ang pagkamatay ni Amihan.”

Ipinarating din namin ang tanong ng Encantadiks na ayaw mamatay si Amihan, kung ibig daw bang sabihin ay wala na at hindi na babalik si Kylie sa Encantadia.

“This is not the end of Kylie in the show,” sagot ni Direk Mark. “Keep believing in the power of Encantadia. We still have a lot of magic to do.”

Dagdag pa niya, “Kylie Padilla will still portray Amihan as long as she can.”

Ibig sabihin, hanggang kaya pa ni Kylie na mag-taping, mapapanood pa rin siya. Hindi naman problema kung malaki na ang tummy niya, dahil reyna naman siya at matatakpan ito ng gown niya.

Natatandaan namin na nagdalantao rin si Dawn Zulueta ng panganay niyang si Jacobo habang ginagawa ang Encantadia noong 2005, huminto lamang siyang mag-taping noong hirap na siya at talagang malaking-malaki na ang tiyan niya.

Muling na-extend ang Encantadia na napapanood gabi-gabi pagkatapos ng 24 Oras. (NORA CALDERON)