“DAPAT nilinis muna ng PNP ang kanyang sarili,” wika ni Rep. Romeo Acop ng Antipolo, “bago inilunsad ni G. Duterte ang kanyang antinarcotics campaign nang umupo siyang Pangulo.” Nasabi ito ni dating PNP Chief Superintendent Acop bunsod ng karumaldumal na nangyari sa Korean businessman na si Jee Ick-Joo. Sukat ba namang dinukot ng mga pulis ang Koreano sa kanyang bahay sa Angeles City, Pampanga kasama ang kanyang kasambahay dahil daw sangkot ito sa ilegal na droga. Pagkatapos na pakawalan ng mga pulis ang kasambahay, dinala ang Koreano sa Camp Crame kung saan siya pinatay.

Idinetalye ni SPO4 Roy Villegas, isa sa mga pinaghihinalaang kasapakat ng mga pulis, sa affidavit na isinumite niya sa Department of Justice ang kaawa-awang ginawa nila sa biktima pagkatapos madiskubre na siya ay pinaslang at ang kanyang bangkay ay sinunog. Pinatay daw ni SPO3 Ricky Sta. Isabel, noong gabi nang dukutin nila ito sa lugar na malapit sa official residence ni PNP Chief Gen. Bato Dela Rosa sa Camp Crame. Binalutan, aniya, ni Sta. Isabel ng packaging tape ang mukha nito saka niya sinakal. Pagkatapos, ibinigay niya ang bangkay sa isa pa nilang kasama na siyang nagdala sa funeral home sa Caloocan City kung saan dito sinunog.

Ipagpalagay natin na tapat si Pangulong Digong sa layunin niyang sugpuin ang krimen at ilegal na droga. Na sa kanya, ang pagpatay sa mga gumagamit at tulak ng droga ang mabisang paraan para mapagtagumpayan niya ito. Ang problema ay hindi naman siya ang personal na nagpapairal ng mga brutal na pagpapatay. Ipinauubaya niya ang gawain sa mga pulis na wala siyang kaalam-alam kung anong klase at ugali mayroon ang mga ito. Ang tanging koneksiyon lang niya sa mga ito ay si Gen. Bato. Normal lang na maging tapat sa kanya ito dahil utang niya ang kanyang posisyon sa Pangulo. Pero, kahit gaano katapat ang heneral sa Pangulo, gaya ng Pangulo hindi naman siya mismo ang nagpapatupad sa kampanya nito laban sa droga.

May mensaheng dapat pakinggan at sundin si Pangulong Digong sa nangyari sa Koreano. Naganap mismo ang hindi inaasahan na sa Camp Crame mangyari ang pagpatay ng mga pulis sa taong walang kinalaman sa droga, pero ginamit ito para madali ang pagdukot sa kanya. Ang kampanya sa pagsugpo sa krimen gamit ang sarili niyang disposition ay mauuwi lamang...

sa pag-ulit at pagdagsa sa nangyari sa Koreano. Kasi, walang makapipigil sa mga taong nagpapairal ng kanyang programa na gamitin din ang kanilang sariling disposition. Kahit nalinis mo ang PNP, tulad ng nais mangyari ni Rep. Acop, hindi mapagkakatiwalaan ang tao na maraming gusto at kailangan sa buhay na pwedeng gamitin ang kanyang kapangyarihan masunod lamang ang kanyang kapritso. Iba ang batas na siyang dapat manaig at gumabay sa pamumuno at pakikipagkapwa sa kanila. (Ric Valmonte)