DAVAO CITY – Nagdeklara na ng state of calamity ang limang munisipalidad at isang siyudad sa Davao del Norte makaraang malubog sa baha dahil sa halos walang tigil na ulan sa probinsiya noong nakaraang linggo.
Isinailalim sa state of calamity ang Tagum City at ang mga munisipalidad ng Kapalong, Asuncion, Braulio E. Dujali, Carmen, at New Corella.
Umaabot naman sa P74 milyon ang kabuuang pinsala sa pananim sa Tagum pa lamang, at 2,659 na pamilya sa mga barangay ng Busaon, Bincungan, Liboganon, Pagsabangan, Cuambogan, Pandapan, Makilam, San Miguel at Canocotan ang inilikas dahil sa baha.
Nalubog sa baha ang maraming barangay dahil sa pag-apaw ng Saug River at Liboganon River sa lalawigan, habang nasa P1,015,000 naman ang pinsala sa imprastruktura, ayon sa assessment report ng City Disaster Risk Reduction and Management Council (CDRRMC).
Nagdeklara na rin ng state of calamity ang Davao Oriental, at partikular na naapektuhan ng baha ang mga bayan ng Boston, Cateel, at Baganga. (Yas D. Ocampo)