Naging madugo ang pista sa isang barangay sa San Andres Bukid, Maynila makaraang saksakin at patayin ng isang lalaki ang tatay ng nakaaway ng kanyang ama, kamakalawa ng gabi.
Dead on arrival sa Sta. Ana Hospital si Modesto Espanol, 55, ng 2525 Onyx Street, sa San Andres Bukid, dahil sa tinamong saksak sa kaliwang dibdib habang mabilis namang tumakas ang suspek na kinilala sa alyas na “Bombay”, 20, balingkinitan, moreno, at residente ng Phase 5, Onyx St., San Andres Bukid.
Sa imbestigasyon ni SPO4 Ronaldo Gallo, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 7:00 ng gabi nang bigla na lang saksakin ni Bombay si Modesto.
Nauna rito, sa kasagsagan ng pista sa naturang lugar, ay nagtalo sina Marlon Espanol, 32, anak ni Modesto; at “Alex Hapon”, ama naman ni Bombay, matapos umanong manggulo ni Alex Hapon sa mga palaro.
Nauwi sa suntukan ang insidente at inawat lamang ng kanilang mga kaibigan at kapitbahay.
Maya-maya’y nakarating ang balita kay Bombay na kaagad umanong sumugod sa tahanan ng mga Espanol at nang makita ang walang kamalay-malay na si Modesto ay kaagad itong sinaksak. (Mary Ann Santiago0