19 three-pointer ibinuslo ng GS Warriors; Mavs wagi ng 49 puntos na bentahe sa Lakers.

ORLANDO, Florida (AP) — Kahit sa Magic, hindi kayang supilin ang three-point shooting ng ‘Splash Brother’.

Hataw ng tig-pitong three-pointer ni two-time MVP Stephen Curry at two-time All-Stars Klay Thompson para sandigan ang dominanteng 118-98 panalo ng Golden State Warriors kontra sa Orlando Magic nitong Linggo (Lunes sa Manila).

Mula sa pagtabla sa halftime, bumalikwas ang Warriors sa second half para paliguan ng tres ang Magic.

Wrestler-actor Dwayne Johnson, may pasabog sa fans; balik wrestling ring?

Kumana si Curry ng 7-for-13 sa rainbow country para sa kabuuang 27 puntos, habang tumipa si Thompson ng 7-for-9 para masikwat ang 21 puntos at angkinin ng Warriors ang ikapitong sunod na panalo at ika-38 sa 44 na laro.

Naisalpak ng Warriors ang 19-of-42 sa downtown.

Kumana sina Elfrid Payton ng 23 puntos sa Magic, habang umiskor sina Nikola Vucevic, CJ Watson, Jeff Green at Bismack Biyombo ng tig-12 puntos.

MAVERICKS 122, LAKERS 73

Sa Dallas, ipinatikim ng Mavericks ang pinakamasaklap na kabiguan sa Los Angeles Lakers.

Nagsalansan si Justin Anderson ng 19 puntos at tumipa si Dirk Nowitzki ng 13 puntos sa 49 puntos na panalo sa Lakers.

Ito ang ika-13 sunod na panalo ng Dallas sa match-up sa Los Angeles.

Nalagpasan nito ang dalawang naunang nakahihiyang kabiguan ng Lakers kontra sa Utah Jazz (123-75) noong Marso 28, 2016.

TIMBERWOLVES 111, NUGGETS 108

Sa Minneapolis, naitala ni Karl-Anthony Towns ang 32 puntos, 12 rebound at pitong assist, kabilang ang go-ahead basket sa huling 42.5 segundo sa panalo ng Wolves kontra Denver Nuggets.

Bumirit din si Towns ng apat na blocks, habang kumana si Andrew Wiggins ng 24 puntos para sa ikaapat na sunod na panalo ng Minnesota.

Nanguna sa Nuggets sina Gary Harris na may 22 puntos at Nikola Jokic na tumipa ng 18 puntos at walong rebound.

SUNS 115, RAPTORS 103

Sa Toronto, kumubra si Eric Bledsoe ng career-high 40 puntos at 13 assist sa panalo ng Phoenix Suns kontra sa Raptors.

Hataw si Bledsoe sa 11-of-17 sa floor, kabilang ang 4-of-7 sa 3-point range, at nag-ambag si Devin Booker ng 20 puntos para sa ikalawang sunod na panalo ng Suns sa road.

Nakumpleto rin ng Suns ang ‘sweep’ sa match-up sa Raptors sa kauna-unahang pagkakataon mula noong 2013-14.

Nanguna si DeMar DeRozan sa Toronto sa naiskor na 22 puntos at tumipa si Jonas Valanciunas ng 16 puntos at 12 rebound para sa ika-17 double-double ngayong season. Ito ang unang pagkakataon na natalo ang Raptors sa tatlong sunod mula noong Nov. 6-10, 2015.