MARAMI ang naniniwala na ang kaayusan at katahimikan ng bansa ay nakasalalay sa pangangalaga ng Philippine National Police (PNP). Kapag madalas na nagaganap ang mga krimen, ang bagsak ng sisi ay sa mga pulis.

Pinararatangan na mga pabaya sa tungkulin at tutulug-tulog. Inuulan ng batikos ng ating mga kababayan. Tinatawag na pulis-patola. Idagdag pa ang mga kotong cops o mangingikil na mga pulis at nasasangkot sa mga sindikato, droga at hulidap na nagbibigay-dungis at batik sa imahe ng PNP. Sa ganitong gawain ng ilang bugok at tarantadong pulis, nasasabi tuloy ng iba nating kababayan na ang kahulugan ng PNP ay “Pahingi Ng Pera”.

Sa mga nabanggit na pangyayari, nakararami pa rin ang mga pulis na matino, marangal matapat sa kanilang tungkulin.

Kahit malagay sa panganib ang buhay sa paglilingkod. Nakatanim sa puso, isip at damdamin ang motto o slogan ng PNP na “To SERVE, To PROTECT”. Ngunit hindi maiwasan na may mga pagkakataon na may mga tauhan ang PNP na napupunta sa talampakan ang katinuan at naliligaw ng landas sa paglilingkod. Matatandaan bilang halimbawa ang marahas na panghuhulidap ng siyam na pulis-Quezon City sa EDSA noong Setyembre 2014. Naluma ang mga civilian criminal. Sa nasabing pangyayari, marami tuloy sa ating kababayan ang nawalan na naman ng tiwala sa mga pulis. May mga kababayan tayo na inilarawan ang mga pulis na mga bandidong nakasuot ng uniporme.

Ang panghuhulidap ng siyam na pulis ay nasundan pa ng mas nakagugulat na pangyayari sa PNP sapagkat ang nakasuhan naman ay si PNP Chief Director General Alan Purisima. Kinasuhan siya ng Ombudsman ng plunder, graft at indirect bribery. Nasuspinde ng anim na buwan hanggang sa tuluyang sinibak sa tungkulin kahit siya’y paboritong opisyal ni dating Pangulong Noynoy Aquino.

Sa bagong administrasyon at rehimeng Duterte at pamamahala sa Philippine National Police ni PNP Director General Ronald Dela Rosa, nagulat ang marami nating kababayan sapagkat may ilang pulis na nasangkot din sa krimen. Pinatay sa piitan si Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa. Nanlaban umano nang isisilbi ang search warrant noong madaling araw ng Nobyembre 5, 2016.

Ngunit ang lalong nagbigay ng batik sa imahe ng PNP ay ang pagdukot ng ilang tiwaling opisyal ng PNP sa isang negosyanteng Koreano sa Angeles, Pampanga noong Oktubre 2016. Kahit nagbayad na ng P4.5 milyon ang misis ng biktima, pinatay pa rin ang Koreano.

Sa nasabing pagpatay sa negosyanteng Koreano, may mga humiling at nanawagan na magbitiw na sa tungkulin si PNP CHIEF Director General Ronald Dela Rosa sapagkat inilagay sa kahihiyan si Pangulong Duterte.

Ayon naman kay Pangulong Duterte, mananatiling PNP chief si Dela Rosa. Nasabi tuloy ng iba nating kababayan: Ang PNP chief daw kumbaga sa karne ay parang laman na kapit sa buto. (Clemen Bautista)