NAKAHANDA na ang memorandum of agreement (MOA) ng Philippine Sports Commission (PSC) sa lokal na pamahalaan para sa 12 satellite training center na magagamit sa programa ng Philippine Sports Institute (PSI).

Ayon kay PSI National Training Director Marc Velasco, nakilatis na nila ang 12 lalawigan at lungsod sa bansa na may sariling pasilidad para magamit sa malawakang programa ng PSI.

“Marami na tayong na-identify na satellite venues at 12 rito may sarili nang sports center. Sayang naman kung magiging ‘white elephant’ lang ang mga ito kaya we are closely coordinating with the governors and mayors para maisaayos natin ito through MOA,” pahayag ni Velasco.

Ang 12 satellite venue, ayon kay PSC Executive Assistant Ronnel Abrenica ay pawang naging host ng Palarong Pambansa, Batang Pinoy, Philippine National Games at maging ng SEA Games noong 2005.

Ilang volleyball stars pina-auction jersey; tulong sa player na may liver cancer

“With this existing facilities, at least konti na lang ang aayusin natin. Sa aspeto ng personnel, ang mga local officials pa rin ang bahala sa kanila meron lang tayong hiwalay na grupo yung regional coordinators para mangasiwa sa ating programa,” sambit ni Abrenica.

Ayon kay Velasco, head din ng PSI Sports Science, patuloy ang coordination sa mga na-identify na centers tulad sa Pangasinan, Laguna, Bacolod, Naga City, Cebu City; Tubod, Lanao del Norte, Dumaguete City, Iloilo at Tagum sa Davao del Norte.

Ayon kay PSC chairman William ‘Butch’ Ramirez, ang itinuturing na ‘Father of PSI’, nakatakda siyang makipagpulong sa League of Governors para mapag-usapan ang ‘partnership’ sa pagbuo ng training center ng PSI.

Ikinalugod din ni Ramirez ang isinusulong na batas sa Kongreso para sa pagtatayo ng ‘National Training Center’ sa dating US base sa Subic at Clark.

“Our lawmakers are supporting our programs and this will boost our effort to turn PSI into law,” pahayag ni Ramirez.

(EDWIN ROLLON)