“KAPAG naging marahas na at kumalat ang problema sa droga,” wika ni Pangulong Rodrigo Duterte sa harap ng mga miyembro ng Davao City Chamber of Commerce, idedeklara ko ang martial law.” Wala, aniyang, makapipigil sa akin. Ang kapakanan daw ng kanyang bansa ang higit na mananaig sa kahit anumang limitasyon.

May limitasyong itinatakda ang Saligang Batas sa kapangyarihan ng Pangulo na magpataw ng batas militar. Pangunahin na rito ang poder ng Korte Suprema na repasuhin ito. Nagalit lang ang Pangulo, paglilinaw ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre, dahil patuloy ang operasyon ng ilegal na droga sa kabila ng kampanyang ginagawa ng gobyerno.

Ang napakalaking problema sa binabalak ng Pangulo na magdeklara ng martial law ay siya lamang ang nakakaalam kung sino ang binabantaan niyang kalaban ng bansa. Para bang siya ang gumagawa ng multo at siya ang natatakot. May makapal na listahan siyang ipinakikita at ito raw ay naglalaman ng mga pangalan ng mga sangkot sa droga. Mga pulitiko at pulis daw ang mga ito. Kaya lang nga, siya lang at ang mga gumawa ng listahan ang nakakaalam ng nilalaman nito. Ang isa pang problema, nakabatay lamang ang nilalaman ng listahan sa mga impormasyong nakalap ng umano’y mga intelligence agency.

Ganito ring listahan ang ginagamit ng mga pulis sa paghabol at pagpatay sa mga gumagamit at tulak ng droga. Kahit nasa loob na ng bahay at natutulog na ang mga ito ay binabaril pa. Sa proseso, may mga inosenteng sibilyan ang nabibiktima at napapatay. Pero bakit sa kabila nito ay may mga nadidiskubre pang laboratoryo na gumagawa ng shabu?

Night Owl

Isang pribilehiyong maging bahagi ng 125 taong kasaysayan ng Manila Bulletin

Wala na ngang puknat ang mga pagpatay pero parang hindi natatakot ang mga nagtatayo at nag-o-operate ng laboratoryo?

Mayroon pa ngang tone-toneladang shabu ang nasasabat ng mga awtoridad. Paano kasi, walang nahuhuling operator at may-ari ng shabu laboratory. Kung mayroon man, hindi naman pinapatay. Hindi rin pinapatay ng mga pulis ang mga inabutan nilang nasa laboratoryo na kanilang sinalakay. At kapag may... nadiskubreng laboratoryo ang mga awtoridad, lalo na kung ito ay malaki at maramihang gumawa, nasa press conference na ang mga pinuno ng PNP at si Sec. Aguirre na naghahayag na patunay daw ito na nagtatagumpay si Pangulong Digong sa kanyang giyera laban sa droga.

Sa totoo lang, kung magdeklara man ng martial law ang Pangulo, siya lamang ang nakakaalam ng batayan nito. Kagagawan niya kung naging magulo man ang bansa. Hindi niya pinangangalagaan ito, kundi ibinabalik niyang muli ito sa madilim niyang kasaysayan batay sa tsismis. (Ric Valmonte)