SA kanyang talumpati sa pagdaraos ng tradisyonal na Vin d’Honneur sa Bagong Taon, sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na ang magkakaibigang bansa ay dapat magtulungan upang makamit ang parehong hangarin. Aniya pa, lahat ng bansa ay naghahangad ng kapayapaan, kaunlaran at kasaganaan.

Sa aking pananaw, ang nasabing talumpati ay naglalahad ng direksiyon ng kanyang administrasyon sa pagtataguyod ng ugnayan ng Pilipinas sa ibang bansa.

Sa kanyang matipid na pananalita, pinasinungalingan ng Pangulo ang sinasabi ng mga kritiko na wala siyang malinaw na polisiyang panglabas. Maliwanag na nauunawaan ng Pangulo ang kahalagahan ng kooperasyong pandaigdig, at ang pakikipagtulungan sa ibang bansa ay makabubuti sa mga Pilipino.

Gayunman, idiniin ng Pangulo ang kahalagahan ng paggalang sa kasarinlan ng lahat ng bansa.

Lubos akong sumasang-ayon sa polisiyang ito. Dahil sa makabagong teknolohiya sa transportasyon at komunikasyon, ang buong daigdig ay isa na ngayong tunay na komunidad.

Ngunit ang komunidad na ito ay dapat kumilos sa ilalim ng prinsipyo ng paggalang sa isa’t isa. Hindi maaaring gamitin ang globalisasyon upang hamakin ang kasarinlan ng isang bansa.

Naaalala ko na noong pinanguluhan ko ang foreign relations committee ng Senado, may bumangong mga isyu na kinailangang panindigan ng Pilipinas ang soberanya nito habang pinangangalagaan naman ang mabuting relasyon sa ibang bansa.

Halimbawa, kinailangan nating ipagtanggol ang ating mga kababayan na naghahanapbuhay sa ibang bansa upang mapangalagaan ang kanilang karapatan at interes.

Nanawagan ako noon sa Department of Foreign Affairs na imbestigahan ang pagbabawal ng Hong Kong na manirahan ang mga kasambahay sa labas ng tahanan ng kanilang mga amo, at ang pagbabawas sa suweldo ng mga dayuhang manggagawa sa Saudi Arabia.

Nagpatawag din ako ng imbestigasyon ng Senado sa pag-aresto sa 49 na mangingisdang Pilipino at ang pagpapalubog ng Indonesian Navy sa kanilang mga bangka.

Ang mga ito ay mga isyu na direktang nakaaapekto sa ating mga mamamayan, na dapat nating protektahan bilang isang malayang bansa.

Ito ang itinataguyod ngayon ni Pangulong Duterte sa pagsusulong niya ng malayang polisiyang panglabas. Sa halip na pulaan, dapat suportahan ang polisiyang ito dahil gusto lamang niyang matiyak na ang Pilipinas ay igagalang bilang kapantay ng ibang bansa sa pandaigdigang entablado.

(Ipadala ang reaksiyon sa: [email protected] o dumalaw sa www.mannyvillar.com.ph) (Manny Villar)