DIRETSAHANG inamin ni Jessy Mendiola na pinag-uusapan na nila ni Luis Manzano ang tungkol sa kanilang pagpapakasal. Napag-usapan na rin nila ang mga tao na nais nilang makasama sa araw na ‘yun.
Walang masama kung magpapakasal na sina Luis at Jessy. Pareho na silang nasa wastong edad at pareho na rin financially secure, lalung-lalo na ang binata na marunong magpatakbo ng mge negosyo kaya lalong lumalaki ang mga ito.
“Sa totoo lang naman, hindi ko rin naman itinanggi na napag-usapan na namin ni Luis ang bagay na ‘yan. Kumbaga, aminin na natin na kapag may partner ka, eh, palagi nating napag-usapan ang bagay na’yan. Sino ba ang ayaw na pakasalan ka ng taong mahal mo?” sabi ni Jessy.
“Siyempre sa aming dalawa ni Luis at sa lahat ng may mga karelasyon, eh, you always hope for the best,” sambit pa ng dalaga.
Pero nang tanungin kung engaged na sila ni Luis, agad itong itinanggi ni Jessy. Aniya, darating din daw naman sila ni Luis sa puntong iyon. Basta sa ngayon daw ay eni-enjoy lang nilang dalawa ang pagiging magkasintahan, huh!
Pero anuman ang plano nila ni Luis hinggil sa bagay na ito ay hindi raw nila ililihim sa publiko, at siyempre pang ang isa sa unang makakaalam ay ang ina ni Luis na si Cong. Vilma Santos-Recto.
Hindi itinanggi ni Jessy na napapadalas na rin ang pagkikita at pag-uusap nila ni Ate Vi.
“Maraming beses na kaming nagkita at nakatsikahan ni Cong. Vi. Kung minsan nga, eh, siya pa ang unang bumabati sa akin at makipagtsikahan,” lahad pa ng dalagang aktres.
Ano ang impression niya sa Star for All Seasons?
“Well, super-bait siya, disente, at talaga namang napakadisente. At aliw na aliw akong kausap siya. Para bang hindi siya isang iniidolo ng napakaraming fans. Sobrang nakakaaliw siyang kausap,” banggit pa ni Jessy.
Tuwing nagkikita raw sila ni Ate Vi ay unang pinipisil ng multi-awarded actress/public servant ang kanyang pisngi at sinasabi sa kanya na masaya ngayon si Luis dahil kasa-kasama siya.
Kasama sina Arci Muñoz at Coleen Garcia, bida si Jessy sa latest Star Cinema movie na Extra Service showing na ngayon sa mga sinehan. (JIMI ESCALA)