Laro Ngayon
(University of San Agustin Gym, Iloilo City)
5 n.h. -- Ginebra vs Meralco
MGA tagahangang Ilonggo ang mabibigyan ng pagkakataon na makadaupang-palad ang mga paboritong PBA players sa pagdayo ng OPPO-PBA Philippine Cup tampok ang duwelo ng crowd-favorite Ginebra Kings at Meralco Bolts sa University of San Agustin Gym sa Iloilo City.
Nakatakda ang laro ganap na 5:00 ng hapon.
Sasabak ang Kings na sariwa pa mula sa nakapanghihinayang na 70-72 kabiguan sa reigning champion San Miguel Beer noong Enero 8 na nagbaba sa kanila sa ika-6 na puwesto taglay ang barahang 3-4, samantalang luhaan din ang Bolts sa huling laro kontra sa Mahindra,92-105.
Bunsod nito, asahan ang labanang umaatikabo sa paghahangad ng magkaribal na makabawi at makabalik sa laban.
Ang kabiguan ang ikalimang sunod ng Meralco pagkaraang ipanalo ang unang dalawang laro.
Mas maigting na depensa ang nakikitang kakulangan ng kanilang koponan para makamit ang mailap na panalo ayon kay Reynel Hugnatan.
“Kailangan mas paigtingin namin ang depensa namin, yun ang tingin kong kulang sa ‘min ngayon,” pahayag ni Hugnatan.
“Dapat magtrabaho pa kami ng husto at magtulungan. Medyo talagang nakaka frustrate ang nangyayari sa min pero ganun talaga, kailangan pa ring mag work hard at mag focus,” aniya.
Sa panig naman ng Kings, ayon kay coach Tim Cone dapat mas maging consistent sila sa pagsunod sa pinaiiral na sistema.
“We still need that fluidity because sometimes we got lost in our system,” ayon kay Cone. (Marivic Awitan)