SA ilalim ng Duterte administration, natitiyak ko na napawi na ang mga agam-agam hinggil sa paglilipat o paggiba sa Veterans Memorial and Medical Center (VMMC) upang bigyang-daan ang konstruksiyon ng transportation hub at iba pang establisiyemento na sinasabing bahagi ng mga proyektong pangkaunlaran.
Ang naturang plano na binalangkas ng nakaraang administrasyon ay tila bangungot na laging sumisindak hindi lamang sa mismong mga naglilingkod sa naturang ospital kundi sa sambayanang Pilipino, lalo na sa kapatid nating mga makabayang beterano.
Noong nakalipas na pangasiwaan, lumutang ang balak na ang malawak na lupaing kinatatayuan ng VMMC ay papalitan ng malalaking negosyo. Sinasabing ito ay ipagbibili sa mga pribadong mamumuhunan bagamat, sa aking pagkakaalam, ito ay mangyayari lamang kung may pahintulot ng ating Kongreso; iyon ay maaari lamang paupahan tulad ng pagpapahintulot sa malalaking negosyante.
Sa anu’t anuman, ang mistulang pangangamkam sa nasabing lupain ay nailigtas dahil nga sa pagpasok ng bagong administrasyon. Malaki ang pagmamalasakit ni Pangulong Duterte sa mga ospital, lalo na nga kung ang mga ito ay nakaukol sa maralitang sektor ng mga mamamayan.
Pinatunayan niya ito nang kanyang paglaanan ng milyun-milyong piso ang pagpapatayo ng karagdagang gusali ang V. Luna Memorial Hospital, kabilang na ang pagbili ng makabagong mga kagamitan o state of the art para sa naturang pagamutan.
Bukod pa rito ang modernisasyon ng iba pang ospital para rin sa ating nasusugatang mga kawal, lalo na ang nakikipagdigmaan sa mga bandidong Abu Sayyaf (ASG).
Natitiyak ko na ganito rin ang kanyang plano sa VMMC na marapat ding magkaroon ng mga makabagong kagamitan. Hindi ito dapat gibain o ilipat. Manapa, ito ay lalo pang paunlarin para sa mga pasyente na kinabibilangan nga ng ating mga beterano na namuhunan ng buhay at dugo sa pagtatanggol ng ating kasarinlan; kabilang na rito ang kani-kanilang mga mahal sa buhay na marapat ding pagmalasakitan ng gobyerno.
Naalala ko ang matinding paninindigan ni dating Pangulong Fidel Ramos laban sa plano ng nakalipas na administrasyon.
Nais niya na pangalagaan ang VMMC hindi lamang ang malawak na golf course nito na lagi niyang dinadayo kundi dahil nga sa ito ay nakaukol sa mga kapwa niya beterano. Mahigpit niyang tinutulan ang nakadidismayang estratehiya tungkol sa mistulang pagbura sa VMMC sa mapa ng mga ospital.
Kailangang pakilusin ng Duterte leadership ang super majority sa Kongreso upang bumalangkas ng batas na pipigil sa mistulang pangangamkam sa kinatitirikan ng naturang ospital na itinuturing na sagisag ng kagitingan ng ating mga beterano. (Celo Lagmay)