KIDAPAWAN CITY – Naglaan ang mga opisyal ng North Cotabato ng P2-milyon pabuya para sa ikadarakip ng isang hinihinalang drug lord at isang high-profile criminal na sinasabing sangkot sa pagpuga sa North Cotabato District Jail ng 158 bilanggo nitong Enero 4, bukod pa sa P10,000 pabuya sa muling pagkakaaresto sa bawat isa sa 90 pugante.
Inihayag ni acting Gov. Shirlyn Macasarte-Villanueva ang pag-aalok ng pabuya sa press conference sa kanyang tanggapan nitong Miyerkules makaraang pulungin ang Special Action Committee (SAC) na nangangasiwa sa insidente.
Sinabi ni Villanueva na naglaan ng P1 milyon cash para sa muling pagdakip kay Esmael Nasser, alyas “Derby”; at sa hinihinalang drug lord na si Melvin Casangyao; at P10,000 sa bawat isa sa 90 pumuga at pinaghahanap pa rin ngayon.
Ayon kay Villanueva, iminungkahi ng SAC ang pagkuha ng pabuya mula sa peace and security budget ng pamahalaang panglalawigan, at ang iba pa ay kukumpletuhin ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Nilinaw din ni Villanueva na 20 armadong tao lamang ang sangkot sa jailbreak, hindi mahigit 100 gaya ng unang iniulat ng pinalitan na ngayong provincial warden na si Peter John Bongngat Jr.
Samantala, sa 49 na naibalik sa selda, sinabi sa Carmen Police ng isa sa mga pumuga, si Nilo Cadungog, na napilitan lang siyang sumama sa pagtakas dahil sa banta umano ng mga armadong sumalakay na isa-isa silang babarilin at susunugin ang kanilang selda, kaya naman napatakbo rin siya.
Kuwento ni Cadungog, umarkila siya ng habal-habal pauwi sa kanyang pamilya ngunit kinabukasan ay nagpasya siyang sumuko kay Chief Insp. Julius Malcontento, hepe ng Carmen Police.
Natagpuan naman ng awtoridad na pagod, gutom at nanghihina ang isa pang puganteng si Jumel Caguio, akusado sa droga, na kaagad na dinala sa ospital bago ibinalik sa piitan. (Ali G. Macabalang at Leo P. Diaz)