WINALIS ng Pinoy cyclists mula sa Go for Gold squad, sa pamumuno ni national pool member George Oconer, ang individual at team classification honor ng katatapos na 2017 Brunei Cycling Classic sa Bandar Seri Begawan.

Bumandera ang 24- anyos na si Oconer, anak ni national team coach at dating Olympian Bert Oconer, sa karera na may distansiyang 160 kilometro na tinapos niya sa tiyempong apat na oras, dalawang minuto at 52 segundo.

Tinalo niya ng isang minuto ang pumangalawang Malaysian rider na miyembro ng G-530 team na si Nik Akwan Zulkifli.

Akari Sports wala pang balak pasukin ang PBA

Tumapos namang pang- apat ang kakampi ni Oconer na si Ronel Hualda, at pang- anim si John Renee Mier habang nakatawid namang pang- 17 si Jerry Roa Aquino.

May tatlong Brunei teammates ang mga Pinoy na nagtapos namang panglima, pang-13 at 14, ayon sa pagkakasunud.

Ayon kay team director Ednalyn Hualda, kabuuang team effort ang susi sa panalo ng koponan. Nagkaroon pa ng aksidente si Mier papasok sa huling kilometro ng karera,ngunit nagawa pa rin nitong tumapos upang selyuhan ang panalo ng koponan sa team classification sa kabila ng mechanical trouble. (Marivic Awitan)