SA kasagsagan ng preparasyon sa nalalapit na 29th Southeast Asian Games sa Malaysia, nakita ko ang matinding pagkadismaya ng pamunuan ng Philippine Sports Commission (PSC) sa kabiguan ng Pilipinas na makaungos sa 11 bansang kalahok sa naturang sports competition. Sa nakaraang mga paligsahan, halos mangulelat tayo lalo na kung isasaalang-alang ang bilang ng napapanalunang medalya; paikut-ikot lang tayo sa ika-5, ika-6 at ika-7 puwesto.

Dahil dito, hindi ako nagulat nang si Chairman William ‘Butch’ Ramirez ng PSC ay mistulang nanggalaiti nang pulungin niya ang mga opisyal ng National Sports Association (NSA). Inilatag niya ang mga patakaran hinggil sa mga miyembro ng koponan na dapat makipagpaligsahan, kabilang na ang kakailanganing mga pondo.

Kaakibat ito ng kanyang pagbibigay-diin na ang delegasyon ay dapat lamang buuin ng mga atleta na may medal-winning chances at ng sports officials na magiging makabuluhang kaagapay ng mga koponan. Tahasang ipinahiwatig ng PSC head na babawasan niya ng 25 porsiyento ang listahan ng 650 miyembro ng delegasyon na ipinadala sa Malaysia ng Philippine Olympic Committee (POC). Dapat lamang tapyasin ang itinuturing na mga extra baggage na magpapatalo lamang sa ating mga manlalaro. Malimit na ang 50 porsiyento ng mga atleta ay binubuo ng sports officials.

Natitiyak ko na ang ganitong paninindigan ng naturang opisyal ay nakaangkla sa pagpapataas ng kalidad ng mga atleta upang madagdagan naman ang natatamo nating mga medalya hindi lamang sa mga regional sports fest kundi maging sa olympic games.

Night Owl

Pagpapanatili ng mga Boses: Paano Pinoprotektahan ng NightOwlGPT ang mga Nanganganib na Wika

Kasabay ng pagpapatupad ng mahihigpit na patakaran upang makahigit tayo sa mga dayuhang manlalaro, kailangan ding pag-ibayuhin ng Duterte administration ang paglulunsad ng grass-roots sports development program. Nasubukan na ang pagiging epektibo nito noong dekada ‘70 nang likhain ng Marcos regime ang Gintong Alay sports program ng nagkataong pinamunuan ni Michael Keon. Nakatuon ito sa pagtuklas ng mga potential gold medalist sa mga kanayunan at iba pang liblib na lugar sa bansa.

Naging produkto ng naturang programa si Lydie de Vega, ang tinanghal na Sprint Queen of Asia;... matagal niyang hinawakan ang korona bilang pinakamabilis na mananakbo sa buong rehiyon. Kabilang din dito sina Elma Muros, Renato del Prado at iba pa.

Sa pagsusulong ng naturang programa, dapat tustusan ang pangunahing pangangailangan ng mga atleta: mahuhusay na pasilidad, allowances, at iba pa upang sila ay maging epektibong panghakot ng medalya para sa ating bansa.

(Celo Lagmay)