Sumentro sa hindi makasariling pag-ibig sa kapwa ang homiliya ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa midnight mass para sa taunang Traslacion ng Poong Itim na Nazareno sa Quirino Grandstand, sa Luneta Park, Maynila.

Ayon kay Tagle, kung nais ng tao na magmahal tulad ng pagmamahal ni Hesus, dapat niyang isantabi ang pagiging makasarili at magsilbi sa kapwa. “Ang pag-ibig ay hindi lamang damdamin, hindi lamang diwa. Pagkatapos mong makita ang kapwa, ito ay nauuwi sa gawa ng pag-ibig.”

Dapat aniyang gawing halimbawa ng taumbayan ang ipinakitang pag-ibig ng Jesus Nazareno upang maalis ang pagkakawatak-watak ng mamamayan.

“Ito ang natutunan natin kay Hesus Nazareno: pag-ibig na nagsasabing hindi tayo naiiba, at pag-ibig na nagtataguyod,” sabi ng Cardinal.

Eleksyon

Willie, makikipag-away din daw sa senado: 'Para sa mahihirap!'

Paliwanag niya, ang pagkakawatak-watak ng sambayanan ay bunga ng panghuhusga sa kapwa. “Kasi po ang pagkakahati-hati kalimitan bunga ng panghuhusga, sila mali ako tama, magkaiba kami, kayo marumi ako malinis, magkaiba tayo,” aniya pa.

Hinikayat niya ang lahat na sa halip na husgahan ang kapwa na nagkamali ay tulungan ito at huwag nang yurakan.

“Alalahanin na tayo ay natutukso din at kung siya ay natutukso siguro kami ang dapat magtulungan. Ito po ang uri ng pag-ibig na handang yakapin pati na ang mahihina at makasalanan, sa halip na sila ay idiin, yurakan at ilayo sa mga sarili,” ani Tagle. (Mary Ann Santiago)