Patay ang isang lalaki matapos barilin sa ulo ng hindi pa nakikilalang mga suspek sa Tondo, Maynila kamakalawa.

Kinilala ang biktima sa alyas na “Jack”, tinatayang nasa edad 30, umano’y miyembro ng ‘Sigue-sigue Sputnik’ gang, may taas na 5’4”, balingkinitan, at may mga tattoo sa katawan, nakasuot ng puting sando, asul na six-pocket shorts, at tsinelas.

Sa pagsisiyasat ni SPO1 Bernardo Cayabyab, ng Manila Police District (MPD)-Crimes Against Persons Investigation Section (CAPIS), dakong 11:05 ng umaga ay nakatayo ang biktima sa isang eskinita sa Gate 10, Area B, Parola Compound sa Tondo, nang biglang dumating ang mga suspek at binaril ang biktima sa ulo, bago mabilis na tumakas.

Sa imbestigasyon, lumilitaw na dayo lamang sa lugar ang biktima at isang George Castro lamang ang nakakakilala sa kanya sa kanyang alyas.

Lacson, tila nagpatutsada sa ilang nag-file ng COC: 'The following are not disqualified...'

Bigo naman ang mga awtoridad na matukoy ang motibo sa pagpatay, gayundin ang pagkakakilanlan ng mga suspek dahil sa pagtangging magsalita ng mga residente roon.

Patuloy ang imbestigasyon sa kaso. (Mary Ann Santiago)