CAMILING, Tarlac – Tatlong pulis, dalawa ay kapwa opisyal, ang nasugatan matapos silang pagbabarilin ng isang lalaking wanted, na kanilang nakorner at napatay din sa engkuwentro sa Barangay Cacamilingan Norte sa Camiling, Tarlac, kahapon ng umaga.

Sa ulat kay Tarlac Police Provincial Office Director Senior Supt. Westrimundo Patrick Obinque, sugatan sina Chief Insp. Bernard Estacio Pagaduan, hepe ng Provincial Intelligence Branch (PIB) sa La Union Police Provincial Office, na nabaril sa kaliwang hita; Senior Insp. Juan Jhayar Ngangac Maggay, na tinamaan sa tiyan; habang sa leeg naman nabaril si PO2 Ryan Erpelo Ponce, ng Tubao Police.

Napatay sa engkuwentro si Enrico Gil Magarde, alyas “Ikong”, tubong Bgy. Francia West, Tubao, La Union at kasalukuyang nakatira sa Bgy. Cacamilingan Norte, Camiling, Tarlac.

Napag-alaman na si Magarde ay nahaharap sa mga kasong illegal possession of firearms and explosives at paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act (RA 9165) sa La Union, subalit sa Camiling, Tarlac siya nagtago. (Leandro Alborote)

Probinsya

Catanduanes, niyanig ng magnitude 6.1 na lindol