Binaril at napatay ng mga rumespondeng pulis ang isang mister na umano’y lango sa ipinagbabawal droga makaraan nitong saksakin ang sarili niyang misis sa Las Piñas City nitong Sabado.

Dead on arrival ang suspek na kinilala sa alyas na “Ricky”, nasa hustong gulang at walang permanenteng tirahan habang nakaratay naman sa ospital ang misis niyang si Rose Ann Dismari, nasa hustong gulang, sanhi ng tinamong saksak sa katawan.

Sa ulat na natanggap ni Southern Police District (SPD) director Chief Supt. Tomas Apolinario Jr., dakong 4:30 ng hapon nagpapatrulya ang mga tauhan ng Police Community (PCP)-7 ng Las Piñas City Police sa Alabang-Zapote Road, Almanza Uno ng naturang lungsod nang mamataan ang pag-aaway ng suspek at ni Dismari.

Dahil nasa impluwensiya umano ng droga si Ricky, naging marahas ang kanyang pagkilos at dumampot ng bato at patalim habang nakikipagtalo kay Dismari.

Eleksyon

Makabayan senatorial bets, winelcome ni Ex-VP Leni sa Naga

Tinangka umano silang awatin ni PO3 Cabang ngunit tinuluyang saksakin ng suspek ang biktima saka inatake si Cabang dahilan upang magpaputok ng warning shot ang alagad ng batas.

Sa halip na sumuko, nagpatuloy pa umano si Ricky sa pagsugod kay Cabang at dito na pinaputukan ng mga pulis ang suspek. (BELLA GAMOTEA)