CABANATUAN CITY – Halos 800 barangay sa Central Luzon ang maituturing nang drug-free bagamat mahigit 2,000 pa ang kailangang linisin sa droga sa pagpapatuloy ng Oplan Tokhang ngayong taon.
Nabatid ng Balita mula kau Chief Supt. Aaron Aquino, director ng Police Regional Office (PRO)-3, na pinag-aaralan pa nila ang inter-agency intelligence report na natukoy na may 18 pang halal na opisyal sa rehiyon ang may kaugnayan umano sa mga sindikato ng droga.
Naideklara nang drug-free ang Bataan, at “most improved provinces” naman ang Nueva Ecija at Pampanga dahil nabawasan nang malaki ang problema sa droga ng mga nabanggit na probinsiya.
Ayon kay Aquino, mula Hulyo hanggang Nobyembre, 2016 ay umabot sa 65,757 tulak at adiki ang sumuko mula sa 3,102 barangay sa Central Luzon. (Light A. Nolasco)